KILALA na ang actor-director na si Zoren Legaspi ng mga nagbibisikleta sa bansa, ilan taon na rin kasi siyang masugid na siklista. Ngunit may pagkakataon palang naging sobrang kampante niya sa sariling kakayahan kaya isang malaking pagkagulat ang naging una niyang malayuang pagpadyak ilang taon na ang nakararaan.
“Noon naingit na ako, sabi ko bakit sila kaya ang 100 (kilometro). Akala ko kapag 200 (km) napakasimple kasi feeling ko athletic ako, teenager ako mahilig na ako sa sports, I thought kaya ko. Hindi!” sinabi niya sa Inquirer makaraang tapusin ang Clark leg ng 2023 PruRide Philippines event sa Clark Global City sa Pampanga noong Mayo 21.
“Nakita ko kahit iyong mas malaki sa akin hindi ko maabutan. Natatandaan ko hindi ko siya maabutan. Sabi ko ‘bakit ganito? Hirap na hirap ako!’ So iyon, iba pala iyong discipline ng cycling. Ayon, naengganyo na akong mag-long distance,” ibinahagi ni Zoren.
Salamat naman at naging madali rin sa kanya nitong huling malayuang pagpadyak niya. “Kasi naging lifestyle ko na ang cycling, iyon iyong maganda. Kapag may ganitong event, you don’t really need to prepare because you’re always in shape. Pero kapag dinagdagan na, 200 (km), 300 (km), or medyo may speed, kailangan na nating mag-prepare,” ipinaliwanag niya.
Para sa pagpadyak sa Clark, tinapos niya ang rutang 100 km, ang pinakamalayo para sa event. Ngunit dahil hindi naman ito karera kundi isang “gran fondo,” lahat ng siklista iisa lang ang bilis, naglaro sa 25 hanggang 30 kph lang. “Gigil na gigil iyong nasa harapan so kino-control kami ng mga martial, nagagalit (sila),” paglalahad niya, sinabing mahirap nga namang mapanatili ang mabagal na pagpadyak kapag malayo ang ruta.
Napunta rin ang usapan sa pahayag ng ilan na magastos maging malusog sapagkat mahal ang tamang pagkain at mga kagamitang pang-ehersisyo. “Kung ika-calculate mo, mas mura siya, mas makakamura ka kesa maospital ka. Ako naospital dahil sa accident. Ilan linggo lang iyon na nasa ospital ako anlaki na nang binayaran. Dahil nasa ospital ako nakakuha ako ng [COVID-19], so nadagdagan ulit iyong gastos. Mahal magkasakit,” ani Zoren
Pinuna rin niya ang pahayag ng ibang tao na “kung oras mo na (mamatay), oras mo na,” at sinabing palusot lang ito ng mga tao para sa pagpapabaya nila. “That’s the way they justify iyong pag-iinom nila, pagsisigarilyo nila, pagpupuyat nila. That’s how they justify it, pati iyong pagkain nila nang walang disiplina, that’s how they justify it. No, mali. Hindi ko maunawaan ang reasoning na iyon,” pagpapatuloy pa niya.
Muli siyang papadyak nang malayuan sa Cebu leg naman ng cycling festival sa Mayo 28, kung saan muli niyang makakasama ang TV host na si Kim Atienza at news anchor na si Gretchen Ho. Sinabi ni Zoren na inaantabayanan na niya ang event sapagkat 15 taon na mula nang huli niyang makita ang lalawigan. Inaabangan na rin niyang makasabay ang mga siklistang Cebuano. “That’s what I’m most excited about,” ibinahagi niya.
Related Chika:
Binago ng pagbibisikleta ang buhay ni Zoren Legaspi matapos masangkot sa aksidente
Zoren Legaspi binuking ang bisita ni Cassy: Sino itong D who?