DALAWANG magkasunod na taon nang ginagamit ng Binibining Pilipinas pageant ang swimsuits mula sa Dia Ali ni Justine Aliman. At para sa pinakaaabangang coronation night, sinabi ng designer na binibigyan niya ng “freedom of choice” ang mga kandidata ngayong taon.
Iniwasang magsiwalat nang sobra, upang hindi ma-preempt ang swimsuits na nakareserba para lang sa final competition, sinabi ni Aliman, “binibigyan ko ng freedom of choice ang queens natin ngayon, kung ano talaga iyong gusto nilang cut. Iyon pa lang ang pwedeng i-reveal.” Nakapanayam siya ng Inquirer sa “Grand Parade of Beauties” sa Araneta City sa Quezon City noong Mayo 21.
Nakapaglabas na siya ng dalawang koleksyon para sa 2023 Bb. Pilipinas pageant. Puti ang unang mga disenyo, na sinuot ng 40 kandidata para sa mga larawang ginamit sa mga tarpaulin na nakapaskil sa Araneta City at sa social media accounts ng patimpalak.
Ginamit naman ang pangalawang koleksyon sa parada, isa sa pinakahihintay na taunang tradisyon, kung saan naglibot ang mga dilag sa Araneta Ciy sakay ng mga convertible, nakasuot ng bonggang headdress na ibinagay sa two-piece swimsuits na dinisenyo ni Aliman.
Baka Bet Mo: Reigning Miss International Jasmin Selberg nasa bansa para sa Binibining Pilipinas 2023
“Inspiration ko actually women empowerment. So actually nandiyan na ang iba-ibang kulay, parang iyong nagbigay tayo ng enlightenment sa lahat ng mga kababaihan natin,” sinabi niya sa Inquirer. Makikita sa swimsuits ang makukulay na linear patterns sa puting base. “Gusto ko lang bigyan ng pagpupugay ang kababaihan natin, not only in the Philippines but all over the world,” pagpapatuloy ni Aliman.
Panorin ang 40 kandidata at tuklasin ang huling disenyo ni Aliman ngayong taon sa 2023 Bb. Pilipinas Grand Coronation Night sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Mayo 28. Mabibili na ang tickets sa Ticketnet.
Espesyal na panauhin si reigning Miss International Jasmin Selberg mula Germany, at nagbabalik bilang hosts sina 2018 Miss Universe Catriona Gray at 2016 Miss Grand International Nicole Cordoves, na makakasama rin si 2014 Miss Universe Philippines Mary Jean Lastimosa. Magtatanghal naman sina Vice Ganda at Darren Espanto.
Ipalalabas ang kumpetisyon sa A2Z channel 11 sa free TV, sa Kapamilya Channel at Metro Channel sa cable, at sa Bb. Pilipinas official YouTube channel 9:30 ng gabi, Mapapanood din ito sa ibayong-dagat sa pamamagitan ng The Filipino Channel.
Related Chika:
Maraming nag-ober da bakod sa 2023 Binibining Pilipinas pageant
Coronation night ng Binibining Pilipinas 2023 magaganap na sa May 28