10 proud LGBTQ members magpapakilig at maglalabasan ng tunay na feelings sa queer dating reality show na ‘Sparks Camp’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Theodore Boborol, Mela Habijan, Patrick Valencia at ang 10 single guys ng ‘Sparks Camp’
SIGURADONG marami ang mahu-hook at mae-excite sa pagsisimula ng kauna-unahang queer dating reality show sa bansa, ang “Sparks Camp”.
Ngayong araw, May 24, ang unang episode ng “Sparks Camp” na mapapanood sa YouTube Channel ng Black Sheep Productions, hosted by Miss Trans Global 2020 Mela Habijan.
10 proud members ng LGBTQIA+ community ang magsasama-sama sa Sparks Camp para kilalanin ang isa’t isa at hanapin ang taong posibleng maging next partner niya in life.
Kilalanin sina Dan Galman, Nick Deocampo, Gabe Balita, Justin Macapallag, Stanley Bawalan, Karl Bau, Aaron Maniego, Alex De Ungria, Bong Gonzales, and Nat Magbitang na sasabak sa iba’t ibang games at challenges para ma-test ang kanilang chemistry at malaman kung sinu-sino ba sa kanila ang makakatagpo ng sparks sa isa’t isa.
In fairness, exciting at nakakatuwa ang pilot episode na napanood namin sa ginanap na mediacon kamakalawa para sa nasabing first ever queer dating reality show sa Pilipinas.
Kaya hindi na nakapagtataka na umani agad ng lampas tatlong milyong views ang kanilang unang pasilip o teaser tungkol sa bagong project na ito ng Black Sheep, na mula sa direksyon ng award-winning filmmaker na si Theodore Boborol, na siya ring nasa likod ng “PBB,” “MMK,” at “Ipaglaban Mo”.
Si Patrick Valencia na lumikha na rin ng ilang sikat na queer stories tulad ng “Hanging Out,” “The Third Party,” at“Hello Stranger” mini-series at si Daniel Saniana ng “Sila-Sila” ang mga writers ng show.
Swak na swak naman sa programa ang LGBTQIA+ icon na si Mela Habijan na siyang magsisilbing “Mother Sparker” ng show na siyang tututok sa mga nakakalokang pasabog ng 10 Campers.
Sigurado kami na iba’t iba ang magiging reaksyon ng manonood sa “Sparks Camp” na posibleng maging pulutan sa inuman at kuwentuhan ng mga barkadahan at tropahan, lalo na ng mga LGBTQIA+ supporters pati na rin ng mga taong hindi pa rin tanggap hanggang ngayon ang mga gays and lesbians.
Sabi nga ni Mela, “Marami tayong kuwento at realidad na dapat makita at mapakinggan. And my hope, may the potential of this show lead to proud storytelling of all types of love—boys love, girls love, trans love, bi love, pan love, love/romance/kilig in all aspects.”
Kaya naman tutukan at palaging abangan ang “Sparks Camp” na bahagi ng Made for YouTube series ng ABS-CBN, tuwing Miyerkules sa YouTube channel ng Black Sheep, 8 p.m..
Sabay-sabay nating alamin kung sino-sino sa mga Campers ang makakahanap ng kanilang ka-spark o uuwing luhaan sa ending ng queer dating show na ito. Sa mga nakapanood na ng unang episode, sinu-sino sa mga Campers ang may spark agad-agad?