Pinoy model, fashion designer Randall Mercurio inatake ng matinding depresyon matapos mamatay ang lola; lalaban sa Misters of Filipinas Fil-Com Canada 2023
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Randall Mercurio
MATINDING depresyon din ang pinagdaanan ng Filipino-Canadian model at fashion designer na si Randall Mercurio noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Nakausap namin at ng ilan pang members ng entertainment media si Randall nitong nagdaang Sabado, May 20, sa kanyang Homecoming Media Launch na in-organize ng kanyang talent management na RH Productions Canada/Philippines.
Dito nga niya naibahagi ang mga pinagdaanang mental health issues na nagsimula raw noong mamatay ang kanyang lola na naninirahan dito sa Pilipinas.
Sa Canada na kasi naka-base ngayon si Randall na isa ring artist at manager sa isang fast food chain doon. Bukod dito, rumaraket din siya bilang fashion designer para sa ilang personalidad at events.
Ayon kay Randall hindi raw niya akalain na makakaramdam din siya ng depresyon sa kanyang buhay dahil ang feeling niya noon ay ang tapang-tapang niya lalo na kapag humaharap sa mga problema.
“Before pa po, very active na ako sa mental health group. Hindi ko naman akalain na ako mismo makararanas ng depression,” simulang pagbabahagi ng binata.
Pagpapatuloy pa niya, “Nag-start talaga (yung depression) noong lockdown. Namatay pa ang grandmother ko (na naninirahan noon nasa Olongapo). Hindi kami nakauwi.
“Very gloomy pa ang weather (sa Canada). Nag-trigger talaga. Halu-halong emotions,” ang pagbabahagi ni Randall na talagang ayaw nang bumangon at lumabas noon sa kanyang kuwarto.
“Ayaw kong lumabas. Ayaw ko ng tao. Ayaw ko noong mga mayroong nagtatanong sa akin kung okay ako. Feeling ko that time, lahat ng mga tao tinatawanan ako,” sabi pa ng binata na itinanghal ding Mr. Global Model International Canada 2023.
Kuwento pa ni Randall, “Ngayon na lang talaga nawala. Unti-unti. It’s important na nire-recognize natin ‘yung nararamdaman natin. At ang pinaka-importante, pahinga talaga. Isa sa mga nakatulong sa akin to recover ay pahinga.
“Kaya dapat mas mahalin ng mga kabataan o sinuman sa atin ang sarili. Sa oras na minahal mo ang sarili mo, makakapag-reflect kung ano ba talaga ang purpose mo.
“Kapag masyado mong inisip ‘yung ibang tao, mawawalan ka ng time para sa sarili mo. It starts po talaga with yourself. Eat healthy. Huwag i-burnout ang sarili,” ang paalala pa model, singer, dancer at architect sa madlang pipol.
Samantala, si Randall ang magiging representative ng Filipino-Canadian community sa Misters of Filipinas Fil-Com Canada 2023 pageant.
Siya raw mismo ang gagawa at magde-design ng kanyang national costume. Ang inspirasyon daw niya sa kanyang isusuot ay ang mga OFW.
“Gusto ko talagang ma-inspire ang mga mas nakababata sa akin. I want them to realize na mayroong purpose.
“Sa national costume ko, ang inspiration is OFWs. It is my way of paying tribute to all the hardworking OFWs. Malapit sa puso ko ito. Sobrang halaga.
“Bata pa lang po kasi ako, ang naiintindihan ko lang, iniwan kami ni Papa, wala siya sa tabi ko to work abroad. Sobrang nakatulong siya talaga sa amin.
“Hindi naman namin mararating ang success kung hindi dahil sa hardwork ng father ko.
“Hanggang sa nag-work na rin ako abroad, doon ko lang na-realize kung gaano kahalaga at kalaki ‘yung ginawa niya for us na nakatulong talaga sa future namin,” pahayag pa ni Randall.
Bukod sa mga titulong hawak niya ngayon, naging finalist din siya sa Faces West Vancouver Modelling Competition 2022 at isa rin siya sa mga talent boot camp 2023 finisher sa Chan International Edmonton.