Binibining Pilipinas 2023 candidates nagpabonggahan sa national costume competition

Binibining Pilipinas 2023 candidates nagpabonggahan sa national costume competition

Bongga ang mga costume ng 40 kandidata ng Binibining Pilipinas pageant./ARMIN P. ADINA

NAGPABONGGAHAN ang mga kandidata ng 2023 Binibining Pilipinas pageant sa national costume competition kamakailan, inirampa ang mga naglalakihan at nagbibigatang mga kasuotang halaw sa kalikasan, kasaysayan, pagkain, relihiyon, at maging arkitektura.

Sa pagtatanghal na ginawa sa New Frontier Theater sa Araneta City sa Quezon City noong Mayo 18, maraming binibini ang nagdala ng malalaking props na sumubok sa kanilang lakas, at humamon sa kanilang balanse habang nakasuot ng mga sapatos na may matataas na takong. Nagpasan si Jessielen Salvador mula Aklan ng pinaliit na barko, habang isang malaking “Noli Me Tangere” naman ang kay Paola Alison Araño mula Batangas.

May mga replica ng simbahan naman sina Elaiza Alzona mula Zambales at Lorraine Jara mula Bulacan, habang ang Ina ng Edsa Shrine naman ang bitbit ni Sharmaine Magdasoc mula Ortigas, Pasig City. Hinila rin ni Anje Mae Manipol mula Quezon ang costume niyang may kasamang replica ng Minor Basilica de San Miguel Arcangel.

Ipinagpatuloy ang religious theme ni Joy Dacoron mula Cebu City, na isinantabi ang kontrobersyal niyang Santo Niño costume para sa damit na pan-Sinulog. Ibinuka naman ni Paulina Labayo mula Naga City ang malaki niyang palda upang ipakita ang nakatagong interior ng simbahan, habang lumabas si Candy Vollinger mula Catanduanes bilang representasyon ng Immaculada Concepcion, may mga kerubin pang nakadikit sa napakalaking palda at arkong nakakabit sa bakal na frame na may gulong na nasa ilalim ng bestida.

Ibinandera rin ng mga binibini ang kalikasan. Diyosang diyosa si Trisha Martinez mula Laguna bilang si “Maria Makiling” na may de-gulong na kalahating bundok na nagsilbing bahagi ng palda, at may mga gumagalaw pang ibon. Dinala naman ni Pia Isabel Dulogin ang Misamis Oriental sa malaki niyang palda na nagpakita ng tanawin ng lalawigan niya, habang ang Tubbataha Reef ang bitbit ni Angelica Lopez, na may bubble machine pang dala. Lumabas naman si Katrina Anne Johnson mula Davao del Sur mula sa isang higanteng Waling-Waling.

Baka Bet Mo: Cebuanang kandidata sa Binibining Pilipinas binatikos matapos mag-ala Sto. Niño sa national costume

Rumampa rin ang mga hayop nang ibinida ni Julia Mendoza mula Roxas City ang seafood-inspired costume niya, at nagdala naman si Charismae Almarez mula General Luna, Quezon, ng isang estatwang kabayo kasama ng Gen. Antonio Luna costume niya. Hinila naman ni Tracy Lois Bedua mula Iloilo City ang isang karitela na may kasamang kalabaw, habang mga alitaptap naman ang dinala ni Anna Valencia Lakrini mula Bataan.

Maging mga gawa-gawang nilalang tulad ng “Ibong Adarna” hindi nakatakas sa imahinasyon ng mga designer. May mga gulong sa ilalim ng bestida ni Juvel Cyrene Bea mula Quezon City kung saan nakakabit ang isang gntong puno kung saan nakadapo ang ibon, habang isang palabas ang hatid ni Atasha Reign Parani mula General Trias, Cavite, bilang si “Don Juan” at ang mismong ibon din mula sa kuwento.

Maging mga pista at alamat naging inspirasyon din ng mga costume. Isang magandang “halimaw sa banga” si Katrina Mae Sese mula Tarlac City, habang naging makulay ang pagsasabuhay ni Lyra Punzalan mula Pampanga sa diyosang si “Munag Sumala.” Handa na sa pasiklaban si Zeah Pala mula sa lalawigan ng Tarlac sa kaniyang “Malatarlak” Festival costume, habang nagbaon si Xena Ramos mula Santolan, Pasig City, ng putaheng isang para sa kasuotan niyang “Pakalog” Festival.

Nagdala rin ng pagkain ang ibang mga kandidata. Isang naglalakad na karenderya si Alliah Estores mula Parañaque City, at kumain pa ng ilang subo sa entablado, habang mga bilao ng manga at suman ang dala ni Sofia Lopez Galve mula sa lalawigan ng Rizal.

Kahit mga karaniwang bagay na nakikita sa lansangan inirampa rin sa entabaldo ng mga binibini. Tila magpapatigil ng trapiko si Zoe Bernardo Santiago mula Maynila sa kanyang jeepney-inspired costume, habang isang seksing diyaryo girl naman si Yesley Cabanos mula Caloocan City.

Hindi naman lahat mga magagarbo at kakaiba ang costume, sapagkat mayroon ding rumampa suot ang mga tradisyunal na kasuotan, tulad nina Jean Isabelle Bilasano mula Albay, Rheema Adakkoden mula Camarines Sur, at Mary Chiles Balana mula Hermosa, Bataan.

Nagsilbing isang pasabog na pagtatapos ang national costume segment sa isang siksik na pre-coronation event. Bago kasi nito, rumampa rin ang mga kandidata sa kanilang evening gowns, at nagkaroon pa sila ng dalawang fashion shows, ang inaabangang Jag Denim Queen presentation, at ang parada para sa BeauteDerm, kung saan tumanggap si Lakrini ng P100,000 halaga ng salapi at P500,000 halaga ng produkto bilang Miss Blanc Beaute 2023.

Magtatagisan ang 40 kandidata sa huling kumpetisyon sa Mayo 28 sa Grand Coronation Night na itatanghal sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City. Magbabalik bilang hosts sina 2018 Miss Universe Catriona Gray at 2016 Miss Grand International first runner-up Nicole Cordoves, at makakasama pa nila si reigning Miss International Jasmin Selberg mula Germany. Magtatanghal naman si Vice Ganda.

Mabibili na sa Ticketnet ang tickets para sa palabas na mapapanood din sa A2Z channel 11 sa free TV, Kapamilya Channel at Metro Channel sa cable, at sa Bb. Pilipinas official YouTube channel 9:30 ng gabi. Ipalalabas din ito sa ibayong-dagat sa pamamagitan ng The Filipino Channel.

Related Chika:
Coronation night ng Binibining Pilipinas 2023 magaganap na sa May 28

32 kandidata rumampa sa National Costume presentation ng Miss U PH 2022; sinu-sino ang nag-shine nang bonggang-bongga?

Read more...