Bb. Pilipinas 2023 candidates dumaan na sa napakahalagang preliminary judging
TATLONG buwan mula nang maging mga opisyal silang kandidata, sumailalim ang mga kalahok ng 2023 Binibining Pilipinas pageant sa masusing pagkilatis ng ilang mga eksperto para sa napakahalagang preliminary judging sa New Frontier Theater sa Araneta City sa Quezon City, hapon ng Mayo 18.
Nangyari ito sa press presentation, kung saan isa-isang nagpakilala ang 40 kandidatang rumampa rin sa kanilang swimsuit. Ito rin ang unang pagkakataon na itinanghal ito sa loob ng isang teatro. Nitong nagdaang mga edisyon, sa ballroom ng Novotel Manila Araneta City ito isinagawa.
Bilang karagdagang sorpresa sa mga nanood, binigyan ang bawat isang kandidata ng tig-30 segundo upang ipakilala ang sarili, magbahagi ng karagdagang impormasyon, at maglahad ng mga saloobin kaugnay ng kanilang pagsali. Sa press presentation ng mga nagdaang edisyon ng patimpalak, tanging ang pangalan at lugar lang nila, minsan kasama ang edad, ang sinasabi ng mga kalahok.
Napakahalaga ng pagtatanghal para sa mga kandidata, sapagkat sa preliminary judging magmumula ang mga iskor na gagamitin sa pagpili ng mga uusad sa susunod na yugto ng patimpalak, and mga mapapabilang sa semifinals na tatawagin sa coronation night.
Binuo ang judging panel ng mga opisyal mula sa iba’t ibang pageant sponsors at donors, Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI) executive committee members na sina Irene Jose at Raymond Villanueva, ang opisyal na photographer ng patimpalak na si Raymond Saldaña, at ang Pangasinan Board Member at Councilors’ League President na si Arthur Celeste Jr.
Hindi pa sinasabi ng BPCI kung ilang korona ang igagawad sa grand coronation night na itatanghal sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Mayo 28. Samantala, maaari nang makabili ng tickets sa Ticketnet.
Magtatanghal sa programa si Vice Ganda, at magbabalik sina 2018 Miss Universe Catriona Gray at 2016 Miss Grand International first runner-up Nicole Cordoves bilang hosts sa ikatlong sunod na taon. Nakatakda ring dumalo si reigning Miss International Jasmin Selberg mula Germany.
Magpapaalam na sa kani-kanilang national titles ang reigning Bb. Pilipinas queens na sina Nicole Borromeo, Gabrielle Basiano, Chelsea Fernandez, at Roberta Tamondong sa coronation night na mapapanood sa A2Z channel 11 sa free TV, Kapamilya Channel at Metro Channel sa cable, at sa official Bb. Pilipinas YouTube channel simula 9:30 ng gabi. Ipalalabas naman ito sa ibayong-dagat sa pamamagitan ng The Filipino Channel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.