Pauline Amelinckx nais mapanood ang pagsabak ni Michelle Dee sa Miss Universe sa El Salvador | Bandera

Pauline Amelinckx nais mapanood ang pagsabak ni Michelle Dee sa Miss Universe sa El Salvador

Armin P. Adina - May 16, 2023 - 12:40 PM

Kasama ni Miss Universe Philippines Michelle Dee (gitna) ang kapwa titleholders na sina Miss Supranational Philippines Pauline Amelinckx (kanan) at Miss Charm Philippines Krishnah Gravidez./ARMIN P. ADINA

UMUUSOK pa rin ang social media dahil sa mga reaksyon sa katatapos na 2023 Miss Universe Philippines pageant, kung saan nagwagi ang aktres at pageant veteran na si Michelle Dee.

Ngunit nagpahayag na ng galak ang fan favorite na si Pauline Amelinckx para sa susunod na kabanata ng bagong reyna.

“And maybe if there are sponsors for El Salvador, we could cheer you in real life,” pagbibiro pa niya. Itatanghal sa nasabing bansa sa Timog Amerika ngayong taon ang ika-72 Miss Universe pageant kung saan lalaban si Dee.

Tumanggap din si Amelinckx ng national title bilang Miss Supranational Philippines sa victory party. Dahil dito, siya na ang magiging kinatawan ng bansa sa ika-14 edisyon ng Miss Supranational pageant. “Apparently I’m going to Poland, in July, so the journey ain’t over yet,” pahayag niya.

Miss Universe Philippines Michelle Dee (kaliwa) at Miss Supranational Philippines Pauline Amelinckx/ARMIN P. ADINA

Sinabi ng Belgian-Filipino host at model mula Bohol na inaantabayan na niya ang kani-kanilang pagbandera sa ibayong-dagat. “Of course, we’ll be here to support you (Dee). It’s gonna be another beautiful year where we get to share beautiful experiences and make a difference,” ani Amelinckx.

Maliban kay Amelinckx, isa pang Miss Universe Philippines finalist ang ginawaran ng pambansang titulo, si Krishnah Gravidez mula Baguio na kinoronahang Miss Charm Philippines sa victory party pa rin.

Tatangkain ni Gravidez na daigin ang pagpuwesto ni Annabelle McDonnell bilang first runner-up sa unang edisyon ng Miss Charm pageant na itinanghal ngayong taon, at masungkit ang korona para sa bansa sa ikalawang pagdaraos ng pandaigdigang patimpalak sa Vietnam sa susunod na taon.

Miss Universe Philippines Michelle Dee/ARMIN P. ADINA

Samantala, sisikapin ni Amelinckx na maging ikalawang Pilipinang makokoronahan bilang Miss Supranational 10 taon mula nang maitala ni Mutya Datul ang unang panalo ng bansa sa patimpalak sa Europa. Sasamahan siya sa Poland ni Johannes Rissler, na magbabandera sa Pilipinas sa ikapitong edisyon ng Mister Supranational contest.

Magkakasama ang tatlo sa huling sandali ng katatapos ng pambansang patimpalak na itinanghal sa Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Mayo 13. Magkakahawak ang mga kamay nila makaraang hiranging first runner-up si Christine Opiaza at second runner-up si Angelique Manto, at tatawagin na ng mga host kung sino ang kokoronahan bilang Miss Universe Philippines.

Miss Charm Philippines Krishnah Gravidez/ARMIN P. ADINA

Isa itong pambihirang tagpo, sapagkat sa mga nagdaang edisyon ng patimpalak ay ang huling dalawang kalahok lang ang nananatili sa entablado bago ang paghahayag ng nagwagi. Ngunit ipinaliwanag naman ng host na si Xian Lim sa mismong programa na tatanggap din ng kanilang sariling mga titulo sa isang hiwalay na pangyayari ang mga kalahok na hindi tatawagin.

“I was just closing my eyes, I was just praying that whoever is deserving, give it to her. So I am just happy for Michelle,” sinabi ni Gravidez.

Bago nito, may isa pang ikinagulat ang mga manonood. Makaraang kilalanin ang Top 10 delegates, sinabi ni Lim na pababalikin ang lahat ng 18 semifinalists para sa evening gown segment at lahat maglalaban pa rin upang makapasok sa Final Five. Sinabi ng host na technical difficulties ang nagtulak sa organizers na magsagawa ng manual tabulations.

Miss Supranational Philippines Pauline Amelinckx/ARMIN P. ADINA

Ngunit nangyari ang unang nakalilitong tagpo sa maagang bahagi ng programa, nang mag-a la Steve Harvey ang host na si Alden Richards at maling kandidata ang tinawag para sa isang special award. Sa halip na si Shayne Glenmae Maquiran, tinawag bilang “Miss Friendship” si Jannarie Zarzoso na “Face of Social Media” ang award na dapat tanggapin.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ang 2023 Miss Universe Philippines pageant ang ikaapat na edisyon ng hiwalay na pambansang patimpalak na pumipili sa kinatawan ng bansa para sa Miss Universe pageant. Ito ang unang taon kung saan pumili ang organisasyon ng kinatawan ng Pilipinas para sa tatlong iba’t ibang pandaigdigang patimpalak.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending