SA pangalawang pagkakataon, nagtagumpay ang dating senador na si Leila de Lima matapos siyang maabswelto ng Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 204 sa kinasasangkutang kaso sa ilegal na droga.
Ayon kay Judge Joseph Abraham Alcantara, walang sapat na dahilan upang hatulan si de Lima at ang kanyang dating aide na si Ronnie Dayan.
Para sa mga hindi pa masyadong aware, ang dalawa ay parehong inakusahan na sangkot sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) noong Justice Secretary pa si de Lima.
Dahil sa naging desisyon ng korte, dalawang drug cases na ang naipanalo ni de Lima.
Kung maaalala, tatlong drug cases ang isinampa laban sa dating senador noong nakaupo pa sa pagkapangulo si Rodrigo Duterte noong 2017 at ito ang naging dahilan kaya nabilanggo si de Lima.
Base sa court records, si de Lima at si Dayan ang pinaghihinalaang magkasabwat sa illegal drug trading.
Nag-ugat ‘yan sa alegasyong tumanggap ang dating senador ng kabuuang P10 million mula sa dating opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Rafael Ragos upang magamit bilang pondo sa kanyang pagtakbo bilang senador noong 2016.
Baka Bet Mo: ‘Joey de Leon’ arestado dahil sa droga, pang-6 sa ‘most wanted person’ sa QC
Ang mga pera raw ay sinasabing nagmula sa mga high-profile inmates ng NBP.
Si Ragos ang unang pinangalanang akusado sa kasong droga ni de Lima, ngunit siya ay naging testigo ng gobyerno laban sa dating senador.
Taong 2022 naman nang itinanggi ni Ragos ang kanyang testimonya at ibinunyag na pinilit lang siya na isangkot si de Lima sa nasabing mga kaso.
Kasunod niyan ay humingi ng paumanhin si Ragos kay de Lima at sinabing, “Talagang patawad po. Natakot talaga ako.”
Taong 2021, nagwagi si de Lima sa kanyang unang kaso kaugnay sa ilegal na droga.
Ang natitirang drug case laban sa dating senador ay kasalukuyang naka-pending sa Muntinlupa RTC Branch 256.
Kasama niya sa kasong ito sina Dayan, dating BuCor director na si Franklin Jesus Bucayu at ang kanyang dating tauhan na si Wilfredo Elli, pati na rin ang dating tauhan ni de Lima na si Joenel Sanchez at pamangkin na si Jose Adrian Dera.
Read more:
Sharon Cuneta kay Sen. Leila de Lima: We need you more out here