Eugene Domingo, Dolly de Leon may bonggang collab sa 2025 na ipo-produce ni Harlene Bautista: ‘We want to do a play’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Eugene Domingo at Dolly de Leon
TILA nakaramdam ng hiya ang award-winning actress at komedyana na si Eugene Domingo nang mabanggit sa kanya ang pagpapasalamat ni Dolly de Leon sa pagmamahal at sa lahat ng naibigay niyang tulong.
Si Uge ang special guest kahapon sa “Fast Talk with Boy Abunda” at dito nga ipinaalala sa kanya kung gaano ka-thankful si Dolly sa mga kabutihang nagawa niya noong sunud-sunod ang mga pagsubok sa buhay ng kanyang kaibigan.
Binanggit ni Tito Boy ang rebelasyon ng internationally-acclaimed actress na sinagot ni Eugene ang tuition fee ng kanyang anak sa loob ng tatlong taon.
Sa panayam ni Tito Boy kay Eugene sa “Fast Talk”, ipinabasa nga niya ang sulat na inihanda ni Dolly para sa komedyana.
“Dear Uge. Hermana! I’m so looking forward to 2025. In the meantime I will sum everything up in three sentences. ‘You’re everything to me,” ang bahagi ng letter ni Dolly na binasa nga ni Uge on national TV.
Makikita namang naging emosyonal si Eugene habang binabasa ang mensahe ng kaibigan. Pagpapatuloy pa niya, “Thank you for… love you, alam mo na ‘yan. Four sentences pala.”
Tungkol naman sa pagtulong niya kay Dolly noong hirap na hirap pa ito sa buhay, “Hindi ko alam kung ano ang reaksyon ko diyan, kasi secret naman ‘yan, hindi naman ‘yan ‘yung talagang sasabihin mo…I don’t think you should talk about it.”
Sa panayam ng “Fast Talk” kay Dolly, naibahagi rin ng aktres na tinulungan din siya ni Eugene sa paghahanda sa mga pupuntahan nitong awarding ceremony, matapos ang kanyang historic na nominasyon sa Golden Globes at British Academy of Film and Television Arts (BAFTAs).
Chika ni Uge, “I thought did not have to give her tips on how to smart and how to talk, because she knows that, she’s a natural and she’s very talented.
“Binigyan ko na lang siya ng practical na tip kasi baka makalimutan niya to bring comfortable shoes because it’s so uncomfortable na chika ka nang chika tapos ang sakit ng paa mo,” saad pa ni Eugene.
Samantala, masaya ring ibinalita ni Uge ang bonggang collab nila ni Dolly na siyang tinutukoy ng international star sa kanyang sulat na magaganap sa 2025. Sey ni Eugene ito raw yung plano nilang theater play.
“We want to do a play and we’re looking for producers. But we already asked Harlene Bautista and she said ‘Go na ‘yan!'” masaya at excited na chika ni Eugene.
Naging maingay ang pangalan ni Dolly sa showbiz nang manalo siyang Best Supporting Actress sa North Dakota Film Society para sa pelikulang “Triangle of Sadness.”
Nominated din siya sa British Academy Film Awards, Columbus Film Critics Association, Dorian Awards at Dorian Awards.
Si Eugene naman ay nanalong Best Actress sa ika-7 Cinemalaya Film Festival at sa 10th Gawad Tanglaw for Films para sa “Ang Babae Sa Septic Tank.” Nagwagi rin siyang Best Actress sa 35th Gawad URIAN Awards para sa nasabing pelikula.