Tirso Cruz III, Ogie Diaz biktima rin ng mga scammer sa socmed, binalaan ang publiko na mag-ingat sa mga pekeng produkto online
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Ogie Diaz at Tirso Cruz III
INALMAHAN ng award-winning veteran actor at Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson na si Tirso Cruz III ang paggamit sa kanyang pangalan at litrato ng ilang scammer sa social media.
Binigyan ni Pip ng warning ang publiko laban sa mga sindikatong nagpapakalat ng pekeng product endorsement kung saan makikita ang kanyang pangalan at picture.
Nakarating na sa beteranong aktor ang isang Facebook page na naglalaman ng isang endorsement na may mukha niya para sa produktong mixed nuts na makapagpapagaling daw ng iba’t ibang sakit.
Sa kanyang Instagram page nag-post ng babala si Pip laban sa mga naturang scammers.
Aniya, “This is to inform everyone that I am not endorsing a product being promoted with my picture. www.healthsolution01.click/supermixnut_healthy. and I have not ordered for myself or even taken this product.”
“This company has not even talked to me for any deal of endorsing this product. Once again, for everyone’s information, This account and post is fraudulent.
“I have NOT made any statements or testimonials endorsing this product,” ang mensahe pa ni Pip.
Kamakailan, naging biktima rin ng ganitong panloloko ang talent manager at vlogger na si Ogie Diaz pati na ang mga celebrity doctor na si Willie Ong at Dr. Kilimanguru na ginamit naman sa kahina-hinalang oral product.
Ni-repost ni Ogie sa kanyang socmed accounts ang nasabing FB post na may nakasulat na “Peke, at scam!” Sinabihan pa niya ang mga netizens na huwag basta-basta maniniwala sa mga ganitong uri ng endorsements.
Ang warning naman ni Dr. Kilimanguru na nabiktima rin ng kaparehong modus, “‘Pag walang blue check mark sa tabi ng panagalan ko, automatic na NO ANG ANSWER. Take note ha, yung blue check dapat sa tabi ng pangalan, hindi sa profile pic.”
Kamakailan, nabalita ang pagsasampa raw ng kaso ni Kris Aquino laban kay Doc Willie Ong dahil sa isang pekeng endorsement. Agad naman itong pinabulaanan ng doktor at nagsabing biktima rin siya ng mga pekeng ads sa socmed.
Nauna rito, binalaan din ni Ogie Alcasid ang publiko nang makita ang isang advertisement sa FB na ginagamit ang pangalan at litrato niya para sa isang uri ng underwear na nakapagpapalaki raw ng ari ng lalaki.