Bet ng Agusan, Bulacan, Pampanga sa Miss Universe PH muling umariba sa swimsuit challenge | Bandera

Bet ng Agusan, Bulacan, Pampanga sa Miss Universe PH muling umariba sa swimsuit challenge

Armin P. Adina |April 25,2023
facebook
share this

Bet ng Agusan, Bulacan, Pampanga sa Miss Universe PH muling umariba sa swimsuit challenge

Armin P. Adina - April 25, 2023 - 10:19 AM

Ang Top 5 sa Miss Universe Philippines swimsuit challenge

Ang Top 5 sa Miss Universe Philippines swimsuit challenge/MISS UNIVERSE PHILIPPINES FACEBOOK PHOTO

 

INILABAS na ng Miss Universe Philippines pageant ang resulta ng swimsuit challenge nito, ang pangalawang botohan online, kung saan nangunang muli ang tatlong kandidatang umarangkada na sa unang botohan.

Kabilang sina Jannarie Zarzoso mula Agusan del Norte, Princess Anne Marcos mula Bulacan, at Angelique Manto mula Pampanga sa limang kandidatang nakalikom ng pinakamaraming boto sa swimsuit challenge na isinagawa kamakailan, at sa photoshoot challenge noong nagbukas ang buwan.

Kasama sina Airissh Ramos mula Eastern Samar at Lesley Sim mula Quezon Province, ginulat ng mga dilag ang mga masusugid na tagasubaybay ng pageants nang daigin nila ang mga mas matutunog na pangalan, mga paboritong napipisil na aarangkada sa final competition.

Sa photoshoot challenge, glamorosa sa kani-kanilang gown ang 38 kandidata ng 2023 Miss Universe Philippines pageant na kinunan nang gabi tanaw ang mga gusali sa likuran. Tumakbo nang isang linggo ang botohan. Para sa swimsuit challenge naman, lumipad sa El Nido, Palawan, and mga kalahok para sa swimwear pictorial at video filming. Naunang itinakda mula Abril 10 hanggang 16 ang botohan, ngunit pinalawig pa ito nang isang linggo.

Nagpatuloy ang pananaig nina Zarzoso, Marcos, at Manto sa swimsuit challenge. Kasama naman nila ngayon sina Shane Glenmae Maquiran mula Capiz, at napipisil na frontrunner na si Pauline Amelinckx mula Bohol, na third runner-up sa 2020 Miss Universe Philippines pageant at hinirang bilang Miss Universe Philippines-Charity noong isang taon.

Hindi na bago ang pananaig ni Zarzoso online. Kinoronahan siyang Aliwan Fiesta Digital Queen noong 2020 sa isang virtual competition. Para kay Manto, tila naging matunog siya sa mga botante dahil sa pagiging courtside reporter niya dati sa UAAP (University Athletic Association of the Philippines).

Ngayong linggo, sinimulan ng patimpalak ang huli nitong online challenge para sa mga kandidata, ang pinakaaabangang runway contest na tinawag na “Jojo Bragais Runway Challenge,” isinunod sa pangalan ng Pilipinong shoe designer ng ika-69 at ika-71 Miss Universe pageant, na siya ring gumawa ng mga sapatos para sa pambansang patimpalak ngayong taon.

Tulad ng sa dalawang naunang challenges, maaring bumoto ang mga tagahanga para sa napupusuan nilang kandidata sa Miss Universe Philippines mobile app, available sa Google Play Store at sa Apple App Store. Maaaring bumoto hanggang Abril 30. Tiyak nang makakapasok sa semifinals ang mga magwawagi sa tatlong challenges.

Isasalin ni Celeste Cortesi ang titulo niya sa tagapagmanang hihirangin sa 2023 Miss Universe Philippines coronation show sa Mayo 13 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City. Host ang mga Kapusong sina Alden Richards at Xian Lim, at magtatanghal ang “American Idol” runner-up na si Jessica Sanchez at si Nam Woo-Hyun mula sa Kpop group na Infinite. Babandera rin si reigning Miss Universe R’Bonney Gabriel at 2019 winner Zozibini Tunzi.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Hihirangin sa patimpalak ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa 2023 Miss Universe pageant na itatanghal sa El Salvador ngayong taon, at sisikaping maitala ang ikalimang panalo ng bansa, kasunod nina Gloria Diaz (1969), Margie Moran (1973), Pia Wurtzbach (2015), at Catriona Gray (2018).

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending