Miss Philippines Earth beauties sa Antique ginunita ang ‘Earth Day’
MULA 2001, isinusulong na ng Miss Philippines Earth pageant ang kalikasan, at hindi kakaiba ang 2023. Ginunita ng 29 kandidata ng patimpalak ngayong taon ang “Earth Day” noong Abril 22 sa pamamagitan ng pamamasyal sa lalawigan ng Antique.
Pumasyal ang mga kandidata sa lalawigan sa Visayas kung saan nila dinalaw ang iba’t ibang ecotourism sites. Lumahok din sila sa isang espesyal na “Patadyong” fashion show kung saan itinampok ang mga katutubong habi na ginamitan ng mga sinaunang pamamaraan, na sinubukan mismo ng mga dilag.
Dumalaw sila sa lumang kapitolyo, o “Presidencia,” na ipina-restore ni Sen. Loren Legarda, na siya ring nag-anyaya sa mga kandidata na dalawin ang lalawigan niya. Tumulak din ang mga dilag sa “Balay nga Bato,” isang makasaysayang bahay na nagsilbing kuta ng mga Hapon nang sakupin nila ang Antique at ang buong Panay. Nagsilbi rin itong pagamutan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Pinuntahan din ng mga kandidata ang University of Antique at ang “Bamboo Processing Center.” Literal ding nadumihan ang mga kamay nila nang subukan nila ang creative pottery ng lalawigan sa brick-making facility. Nagtapos ang unang araw nila sa lalawigan sa pagtanaw nila sa paglubog ng araw mula sa Antique Esplanade, kung saan din sila nagbisikleta upang makapag-relax.
Nagsimula naman ang ikalawang araw nila sa lalawigan sa pagdalaw sa Cotton Processing Center sa Patnongon, ang unang cotton processing center sa Visayas at unang fully-operational sa Pilipinas.
Napalapit pa lalo sa kalikasan ang mga kandidata nang pasyalan nila ang Calawag Mountain Resort sa Tibiao, kung saan nila nasubukan ang isang katutubong “jacuzzi,” lumublob sa isang kawang katulad ng ginagamit para sa paghahanda ng “muscovado” sugar at molasses.
Isinusulong ng Miss Philippines Earth pageant at ng katuwang nitong pandaigdigang patimpalak na Miss Earth, kapwa itinatanghal ng Carousel Productions, ang kapakanan ng kalikasan sa pamamagitan ng paghihirang ng mga reynang kumikilos para sa mga proyekto at programang sumasagip sa daigdig mula sa tuluyang pagkawasak.
Itatanghal ang 2023 Miss Philippines Earth coronation night sa Toledo City Sports Center (Megadome) sa Toledo City sa lalawigan ng Cebu sa Abril 29, alas-6 ng gabi. Magkakaroon ng livestreaming sa opisyal ng Facebook page at YouTube channel ng patimpalak. May delayed telecast naman sa A2Z channel 11 sa Abril 30, alas-10 ng umaga.
Magsasalin ng korona si reigning queen Jenny Ramp, na pumasok sa Top 20 ng pandaigdigang patimpalak. Babandera ang bagong reyna sa 2023 Miss Earth pageant sa Vietnam bilang kinatawan ng Pilipinas. Apat na Pilipina na ang nakasungkit sa korona—sina Karla Paula Henry (2008), Jamie Herrell (2014), Angelia Ong (2015), at Karen Ibasco (2017).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.