JM de Guzman nabaliw dahil sa babae, sinaktan ang sarili: ‘Matindi akong magmahal, kaya nu’ng nawala siya… sobrang sakit’

JM de Guzman nabaliw dahil sa babae, sinaktan ang sarili: 'Matindi akong magmahal, kaya nu'ng nawala siya... sobrang sakit'

JM de Guzman at Cindy Miranda

MARAMI nang nagbago sa buhay at career ng Kapamilya actor na si JM de Guzman matapos siyang magpa-rehab dahil sa pagkalulong sa masamang bisyo.

Ilang taon ding natigil ang pag-aartista ni JM dahil dito pero nang maka-recover mula sa pagkabagsak at muling makabangon ay nagtuluy-tuloy na ang pagbuti ng kanyang buhay.

Abot-langit ang pasasalamat ng aktor dahil hindi lang second chance ang ibinigay sa kanyang ng Diyos at ng ABS-CBN, talagang ilang beses siyang tinanggap at muling pinagkatiwalaan ng kanyang mother network.


Aminado ang binata na sa edad na 34, ang feeling niya ay napakatanda na niya dahil nga sa tindi at dami na ng mga pinagdaanan niya sa buhay. Ngunit puro pasasalamat na lang ang nasasambit niya ngayon dahil nga sa patuloy na blessings na natatanggap niya.

Nakachikahan ng BANDERA at ng ilan pang miyembro ng showbiz press si JM sa mediacon ng bago niyang pelikula, ang “Adik Sa ‘Yo” kung saan makakatambal niya ang Vivamax star na si Cindy Miranda.

Dito, inamin ni JM na noong kabataan niya ay hindi niya masyadong ginagamit ang utak niya pagdating sa pag-ibig, “I now admit that when I was younger, masyado akong impulsive at hindi ko pinapairal ang utak ko.”

Aniya pa, “Kasi nga, sobra talaga akong magmahal, to the point na nakakalimutan ko ang sarili ko. Maraming sad consequences, pero marami rin akong natutunan na reyalidad sa naging experiences ko sa sarili ko.

Baka Bet Mo: JM 5 taon nang single, umamin kung bakit ayaw pang magkadyowa

“I really went crazy because of love. Bata pa ako noon pero nasa level ka na ng ‘siya na ang gusto kong pakasalan at gusto kong makasama habangbuhay’. Ganu’n katindi.

“Tapos bigla siyang mawawala. Masakit, sobrang sakit. Parang hindi mo alam ang gagawin mo, kung saan mo ibabaling ang pagmamahal na para sa kanya,” paglalahad ng aktor.

Walang pangalang binanggit ang binata pero alam naman ng lahat na matindi ang naging epekto sa kanya ang breakup nila ng ex-girlfriend na si Jessy Mendiola, na asawa na ngayon ni Luis Manzano.


Pag-amin pa niya, “Sa sobrang sakit, I tend to self-destruct, hurt myself, destroy myself, to destroy my career. Lahat nang maabot ng kamay ko sisirain ko. Hindi ako nananakit, sarili ko lang ang sinasaktan. Umabot ako sa point na ganu’n.

“Dahil du’n, hindi na ako nabibigyan ng work. I was rehabilitated. Natanggal lahat ng privileges ko. From the simple cell phone, ilang years wala ako nu’n. TV, newspaper, wala ako lahat niyan for four years.

“Doon ko na-realize ‘yung mga simpleng bagay na kailangan kong ma-appreciate. What more ‘yung mga blessings na maraming nagke-crave na ibinigay sa akin, pero sinasayang ko lang. I had many regrets, pero siyempre hanggang nabibigyan ako ng pagkakataon, bawi lang ako nang bawi,” pagbabalik-tanaw pa ng binata.

Nagpapasalamat siya sa Viva Films dahil ipinagkatiwala sa kanya ang pelikulang “Adik Sa ’Yo” na talaga namang akmang-akma sa pinagdaanan niya noon. Gaganap siya rito na drug addict.

Kaya ang tanong kay JM, hindi ba siya na-offend nang ialok ito sa kanya, “No, not at all. Alam naman ng mga tao ang pinagdaanan ko and I think this movie will help others open their eyes to the evils of substance abuse.

“As Paolo, my character goes in and out of rehab centers and the story shows that being addicted to anything can be a bad habit, be it drugs, expensive material things or any other vice.

“Anything that goes overboard, basta sumobra, cannot be good. Everything should be done in moderation,” paliwanag pa niya.

Tungkol naman sa leading lady niya sa movie na si Cindy Miranda, “Sa look test, pareho kaming tahimik. But sa shoot, I saw she’s very professional. Nakita ko kung gaano niya kamahal ang trabaho niya kaya we got along fine. I wish we could work together again.”

Ang “Adik Sa ‘Yo” ay mula sa panulat ni Mel Mendoza-del Rosario at sa direksyon ni Nuel Naval na siya ring nasa likod ng mga pelikulang “Miracle in Cell No. 7” at “More Than Blue”.

Kasama rin sa movie sina Meg Imperial, Nicole Omillo, Candy Pangilinan, Mayton Eugenio, Minnie Aguilar at Andrew Muhlach. Showing na ito sa mga sinehan nationwide simula sa April 19.

JM sa fans: I apologize kung medyo shaky ako, nagkakamali ako minsan at wala akong excuses doon…

JM de Guzman sinorpresa ni Donnalyn Bartolome: Nabigyan mo ako ng pagkakataong lumigaya

Read more...