MULING nagpaalala ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) head na si Arnell Ignacio sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na maging maingat sa paggamit ng social media.
Ito ay may kaugnayan sa naging kaso na kasalukuyang kinakaharap nina Rolando Morales, Tristan Ibarra, at tatlo pang mga Pinoy na nagtatrabaho sa Sharjah, United Arab Emirates (UAE).
Inaresto ang limang OFW ng Sharjah Police dahil sa kanilang in-upload na video sa TikTok noong March 12, 2023.
Ang naturang TikTok video ay biruan lamang ng lima kung saan nagpapanggap silang ibinebenta ang sarili kapalit ng salapi.
Bahagi ng pahayag ng isa sa mga OFW sa video, “This is showgirl. O see? They have no customer, no show today. This is ate. This is new girl, fresh from the Philippines.”
Agad ngang nag-viral ang naturang TikTok video ng lima na nakarating sa mga otoridad na dahilan ng pagkakaaresto ng lima.
Mahigpit na ipinagbabawal ang prostitusyon at itinuturing itong krimen sa Middle East kaya kinasuhan ang limang OFW.
Baka Bet Mo: Arnell Ignacio may babala sa mga kamag-anak ng mga OFW: Hindi ho ‘yan parang bangko na lagi na lang nating hihingan
Felony ang kaso na isinampa laban kay Morales at sa mga kapwa nito akusado, ayon sa legal retainer ng Philippine Consulate General sa Dubai na si Sara Advocates.
Humingi naman ng tulong ang limang OFW sa pamahalaan ng Pilipinas ukol sa kinakaharap nilang kaso.
“Kapag ganitong criminal na ang nature, the Migrant Workers Office [MWO] will take charge,” saad ni Arnell.
Tila dismayado naman ito naman malaman kung ano ang dahilan ng pagkakakulong ng lima.
“Hay, hay kayong lima. Sige TikTok. Sinabi nang tigilan niyo ‘yan. O ngayon, siyempre to the rescue na naman kami. Tigas ng ulo niyo!” sey ni Arnell.
Ayon naman kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople, nakakulong ang limang OFW at naghihintay sa araw ng kanilang paglilitis sa Sharjah Court.
Posibleng makulong ng limang taon ang mga akusado kapag napatunayang nilabag nila ang cybercrime law ng UAE.
Pinaalalahanan rin nila ang iba pang mga OFW na at mataas ang pagpapahalaga nila sa moral, tradisyon, at kultura at mahigpit na ipinatutupad ng UAE ang kanilang cyberlaw na dapat sundin ng mga Pinoy workers.
Related Chika:
Stranded Kakampinks tinulungan ni Arnell: O, di ba, ang ganda naming tingnan…this is the way to do it
Marian kering-keri pang magbuntis; hiniling na ipagdasal ang mga OFW