Mark Bautista hindi nagsisisi na umaming bisexual, nilayuan ng ilang kaibigan sa showbiz: ‘Feeling nila ginagawa ko lang yun for publicity’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Mark Bautista
WALANG pagsisisi na nararamdaman ang Kapuso singer-actor na si Mark Bautista nang ilantad niya sa buong universe ang kanyang tunay na pagkatao.
Naniniwala siya na tama at makatarungan ang ginawa niyang pag-amin na isa siyang bisexual ngunit inamin niyang maraming naging pagbabago sa kanyang personal na buhay at career.
Ayon kay Mark, matapos ang kanyang pag-come out bilang bisexual sa pamamagitan ng kanyang librong “Beyond The Mark”, may ilang kaibigan siya sa mundo ng showbiz na talagang lumayo at umiwas sa kanya.
“Ang hirap mag-apologize sa isang bagay na totoo, like my truth na (I’m bisexual), wala akong regret,” ang sabi ng Kapuso star sa interview ng “Fast Talk With Boy Abunda” kahapon, April 11.
Sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin siya dahil mas nakilala naman niya kung sinu-sino ang mga taong tunay na nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya.
Pagbabahagi ng aktor, “Meron akong ibang mga, like, may ibang friends konting friends na parang naging distant.
“Meron naman sa showbiz na naging distant dahil feeling nila I was just doing it for publicity, so medyo doon ko nakilala ang pagkatao.
“Mas na-shock ako sa mga taong hindi ko in-expect na magsu-support sa akin. Mas yun ang pinanghahawakan ko,” dugtong pang sabi ng binata.
Super thankful and grateful din siya na kahit inilantad na niya ang tunay na pagkatao at hindi masyadong naapektuhan ang kanyang singing career.
“In terms sa music, nagkakaroon pa rin ako ng shows. It’s the same as before,” sey ni Mark.
Pero inamin niya na may malaking impact at pagbabago sa kanyang acting career dahil halos lahat ng projects na inaalok sa kanya ay puro gay roles.
“Nagkaroon na ng limitation yung ibinibigay na offers, o nai-stereotype na yung roles na puwedeng ibigay sa akin,” aniya.
Feeling ni Mark, medyo unfair namang ma-typcast siya sa LGBTQIA+ projects nang dahil sa kanyang sexual preference.
“Gusto ko pa ring gawin na parang, like normal na role, or like yung straight na role.
“So, after nung mag-book ako, marami ring nag-offer sa akin na movies na gagawin, but puro BL (Boys Love genre),” aniya pa.
Samantala, isa pa sa naging epekto sa kanya ng pag-aming isa siyang bisexual ay ang pag-aalala kung may susuporta at manonood pa sa kanyang mga concerts.
“Ngayon pag nagko-concert ako, lagi nang may fear ako na, ‘May manonood ba or something?’ May ganu’n lang ako,” pahayag pa ni Mark.