HINDI bababa sa labindalawa ang naiulat na nalunod sa magkakaibang insidente nitong Holy Week.
Ang mga report mula sa pulisya ay nangyari sa Batangas, Cavite, Laguna at Quezon province.
Una na riyan ang anim na sabay-sabay na nalunod sa dagat ng Barangay Sambal Ilaya sa bayan ng Lemery, bandang alas-3 ng hapon noong Sabado, April 8.
Ayon sa Batangas police, naglalakad ang mga ito sa may dagat nang bigla silang nahulog sa malalim na bahagi ng tubig na nagdulot sa kanilang pagkalunod.
Nasagip pa sila at dinala kaagad sa Batangas Provincial Hospital, ngunit lima sa kanila ay namatay habang nasa daan pa.
Tatlo sa mga nasawi ay mga babae na may edad na 11, 17, at 18, samantalang ang isa ay lalaki na nasa 17 na taong gulang.
Hindi sila pinangalanan dahil sila ay mga menor de edad.
Ang isa pang biktima ay kinilala bilang si Mark John Espulgar, nasa edad 23.
Si Danilo Tubal, 47 years old, ang natirang survivor at nasa maayos nang kondisyon sa nasabing ospital.
Sa hiwalay na insidente sa bayan ng Lemery ay nalunod ang 61 year-old na si Juanito Tiples.
Ayon sa police report, natagpuan ang biktima habang nakalutang sa malalim na parte ng dagat sa may Barangay Matingain bandang 12:30 p.m. noong Sabado, April 8.
Kagaya sa unang insidente ay nasawi rin siya habang papunta sa ospital.
Ayon sa mga pulis, lasing umano si Tiples at nauna na siyang pinagsabihan ng mga taga-barangay na huwag magpunta sa dagat, ngunit ito raw ay hindi nakinig.
Patay naman sa Nasugbu, Batangas ang 30-year-old na si Rexie Detaonon habang lumalangoy sa ilog ng Barangay Munting noong April 7.
Ayon sa pulisya, tinangay ng matinding alon ang biktima at dinala sa malalim na bahagi ng ilog at doon siya nalunod.
Nasagip pa siya at dinala sa pinakamalapit na medical facility, ngunit siya ay idineklarang “dead on arrival.”
Sa Batangas pa rin, nalunod sa isang beach resort sa bayan ng Lian ang isang 17-year-old na batang lalake nitong Biyernes Santo.
Siya ay nasawi bago pa man makaabot ng ospital
Patay naman sa Quezon province sina Gelo Villarin at Erwin Dimaano matapos malunod sa isang ilog na matatagpuan sa bayan ng Atimonan nitong April 8.
Nasawi din dahil sa pagkalunod si Jhon Aquiles Villena matapos mag-swimming sa ilog sa Calamba City, Laguna.
Gayundin ang sinapit ni Carl JM Dualan, pero ang insidente ay nangyari sa Naic, Cavite matapos siyang madulas at mahulog sa ilog.
Read more:
Jake arestado matapos mabangga ang sasakyan ng mga pulis; delivery rider tinamaan ng ligaw na bala