NATAGPUAN na ang bangkay ng nawawalang pinuno ng Ati na si Ernesto Coching sa karagatan ng Boracay, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., nakita ang katawan ng chieftain ng Malaynon ATI Tribe Association tatlong araw matapos magbanggaan ang kanyang bangka sa isang hotel speedboat sa Malay, Aklan malapit sa Sitio Airport sa Barangay Caticlan.
35 divers ang nagsama-sama para sa retrieval dive operations at upang mahanap ang bangkay ng chieftain.
Kabilang na riyan ang mula sa lokal na pamahalaan ng Aklan, Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, may sumali rin na mula sa ilang dive shops ng Boracay.
Pati mismo si Abalos ay kasama din sa naging operasyon na ayon sa kanya ay aabot sa 15 hanggang 25 na metro ang lalim na kanilang nilangoy upang makita ang pinuno.
“Tayo po ay lubos na nakikiramay sa pamilya Coching,” sabi ni Abalos matapos makuha ang labi ni Coching.
Nagpasalamat rin siya sa mga volunteer na mga divers na tumulong sa operasyon ng paghahanap at retrieval.
Samantala, sinabi ng DILG na na-discharge na sa ospital ang kasamahan ni Coching na si Ricky Valencia.
Read more:
Isabela LGU posibleng natagpuan na ang bahagi ng nawawalang Cessna plane