Martin biglang napaiyak matapos mabigo ang sumaling child star sa blind auditions ng ‘The Voice Kids’, walang umikot na coach
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Martin Nievera, KZ Tandingan at Bamboo
HINDI napigilan ng original Concert King na si Martin Nievera ang mapaiyak pagkatapos ng performance ng isang contestant sa The Voice Kids Philippines” season 5.
Napanood namin ang nasabing episode last Sunday, April 2, at talagang ramdam namin ang sakit ng pag-iyak ni Martin dahil walang umikot ni isang coach sa bagets na si Quindrix Guanzon.
Sa panayam ng mga hosts ng programa na sina Bianca Gonzalez at Robi Domingo sa bata bago siya mag-perform, naikuwento nito na dati na siyang nag-aartista. Nakasama raw siya sa dalawang episode noon ng “Maalaala Mo Kaya” hosted by Charo Santos.
Taong 2017 nang gawin niya ang isang “MMK” episode kung saan nakasama niya ang actress-singer na si Vina Morales. Bukod dito, gumanap din siyang anak ni Ara Mina sa isa pang episode ng nasabing drama anthology.
Kinanta ni Quindrix ang classic OPM song na “Bulag, Pipi, at Bingi” ng music legend na si Freddie Aguilar. Ngunit hindi nga niya na-impress ang tatlong coach na sina Martin, Bamboo at KZ Tandingan.
Komento ni Bamboo sa performance ng bagets, “Para sa akin, kwento ‘to eh. You have to give us the story from the get to … the voice is there it’s just you have to understand the other aspects of that eh, ‘yun ang kailangan mong planuhin next time.”
Payo naman sa kanya ni KZ, “I-keep mo lang ‘yung ganyang klaseng attitude na ‘yan na ’yung cha-challenge ‘yung sarili mo na kumanta ng mga mahihirap na kanta kasi roon ka matututo. Malay mo, pagbalik mo next time tatlo pa kaming umikot sa ‘yo.”
Sabi naman ni Martin, “We’re all rooting for you. Please come back and know that you have every chance to improve and every chance to walk out of here and know that you are a winner.”
Nang bumaba na ng stage ang bata at bumalik na sa back stage, bigla na lamang napaiyak si Martin matapos siyang makaramdam ng awa.
Agad naman siyang nilapitan ng mga kapwa niya coach para pakalmahin. Hindi siguro kinaya ng OPM icon ang eksenang may umuwing talunang bata matapos mabigo sa pangarap niyang makapasok sa blind auditions ng “The Voice Kids.”