Vilma kinuwestiyon ang pagiging aktres matapos mamahinga sa showbiz ng 7 taon: ‘Mahirap…sabi ko nga, makakaarte pa ba ako?’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Vilma Santos at Christopher de Leon
AMINADO ang Star for All Season na si Vilma Santos na medyo inaatake siya ng nerbiyos sa pagbabalik niya sa larangan ng pag-arte makalipas ang pitong taon.
Yes, yes, yes mga ka-Marites, muli ngang mapapanood ang award-winning actress sa kanyang comeback movie na “When I Met You in Tokyo” na magsisilbi ring reunion project ng isa sa mga favorite leading man niya na si Christopher de Leon.
Nakagawa na ng 20 films together ang iconic loveteam nina Ate Vi at Boyet na nagsimula pa noong 1970s. Una silang nagtambal sa 1975 hit classic ni Celso Ad. Castillo na “Tag-Ulan sa Tag-Araw” na sinundan ng “Masarap, Masakit ang Umibig” noong 1977.
“The last movie we did was ‘Mano Po.’ Matagal na, more than 15 years. And now, here we are with a beautiful movie. We’re ready to go to Japan. Almost 95% ay isu-shoot sa Japan,” ang pahayag ni Boyet sa presscon ng “When I Met You in Tokyo” nitong nagdaang Friday, March 30.
Sey naman ni Ate Vi, “It’s good to be back after 6-7 years. My last movie was “Everything About Her.” When this movie was offered to me, tinanong ko lang kung ano ang synopsis at kung sinong kasama. When they said si Christopher de Leon, yes agad ang sagot ko.”
“Na-miss ko rin ang team-up namin ni Boyet. Alam ko, kahit paano, nandiyan pa rin ang crowd namin ni Boyet. Ang ganda kasi ng istorya. Ang istorya kasi tatakbo sa edad namin.
“It’s a love story na nasa edad namin. Hindi kami magbabata-bataan dito. It’s a good comeback sa akin. It’s a love story for all seasons. We’re very thankful sa trust,” dagdag pa ng premyadong aktres.
Magkahalong excitement at kaba nga ang nararamdaman ngayon ni Ate sa pagbabalik niya sa mundo ng aktingan, “Kasi medyo matagal akong nawala sa industry, nakakapanibago. It’s a simple love story pero napakalalim.
“Malaking-malaking plus factor sa akin si Christopher de Leon. At kukunan pa sa Japan. Malaking factor ang visual sa Japan. Ang ganda-gandang makita at mapanood. Perfect timing talaga ito.
“Kahit almost seven years akong hindi nakagawa ng pelikula, wine-welcome pa rin ako with all the offers and blessings. This is going to be the start. And I feel so comfortable with Boyet,” sabi pa ni Vilma.
Pagbabahagi naman ni Christopher, “Ang totoo niyan, mayroong concept ‘yung kaibigan ko na director. We were just talking about the concept. I was thinking the right partner at sabi ko sa sarili ko, ‘Bagay dito si Vilma Santos.’
“Eventually, talagang this movie is for us. Napa-wow ako kasi pumayag si Vi when she read the material at nalaman niya na mag-shoo-shoot kami sa Japan. Everything is really perfect there sa Japan. Maganda talaga ang material,” sey pa ni Boyet.
Dagdag na chika ni Ate Vi, “It’s just that we are very comfortable with each other. With Boyet, magsasalita pa lang o magda-dialogue siya in a scene, alam ko na agad. It’s just so comfortable. At para buhayin na rin ang natulog kong career. Na-miss ko ang movie industry.
“Alam niyo, hindi madali na magsu-shoot ka ulit, haharap ka sa camera ulit. Kaya malaking tulong na comfortable ako kay Christopher. Si Boyet dito ay associate director.
“It’s not easy. Parang, ‘Makakaarte pa ba ako?’ Pero dahil nandiyan si Boyet, matutulungan niya ako,” lahad pa ng nag-iisang Star for All Seasons.
Makakasama rin sa nasabing romance-drama movie under JG Productions na pag-aari nina Rowena Jamaji at Rajan Gidwani, ang rumored young couple na sina Cassy Legaspi at Darren Espanto.
“We’re so excited. It’s nice to have them, mga bagets. It’s nice na mga bagets naman ang kasama namin. Ang gaganda naman ng roles nila.
“Yung totality ng movie, hindi naman na puwedeng kami lang ni Boyet. We’re very honored na mayroon kaming kasama na katulad nina Cassy and Darren. Masaya kami na kasama namin sila sa movie.
“Soon, we will meet them. We’re very happy kasi two artists from different networks ay makakasama namin,” masayang kuwento ni Ate Vi.