LIMA ang kumpirmadong patay matapos magkabanggaan ang isang pampasaherong bus at truck na may kargang isda sa bayan ng Gitagum sa Misamis Oriental.
Ayon kay Police Major Dennis Cerrilla, ang mga nasawi ay ang dalawang driver ng mga nabanggit na sasakyan, pati na rin ang tatlong pasahero ng bus.
Bukod diyan ay hindi bababa sa 13 ang malubhang nasugatan sa insidente na kung saan ay kabilang ang dalawang kasama ng truck driver.
Ayon kay Robert Abanid, company supervisor ng Rural Transit Mindanao Inc., papunta sana sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur ang nabanggang bus.
Habang ang truck ay magtutungo naman sa Cagayan de Oro City.
Nangyari ang insidente sa national highway ng Barangay Burnay, na ayon sa mga residente ay isa nang accident zone.
Siniguro naman ng pulisya na walang nagsisigarilyo sa lugar dahil nakita nilang tumutulo ang gasolina ng bus matapos itong bumangga.
Pinagbawalan din nila ang mga residente na kumuha ng mga nahulog na isda sa kalsada, ngunit pumayag naman ang may-ari ng truck na ipamigay ito sa mga tao.
Read more:
7 pulis patay, 22 sugatan sa karambola ng 3 sasakyan sa Misamis Oriental