BONGGANG-BONGGA ang pasabog ng Kapamilya actor na si Enchong Dee sa pelikulang “Here Comes The Groom” na isa sa walong entry sa 1st Summer Metro Manila Film Festival na magsisimula na sa April 8.
Pak na pak ang pagganap ni Enchong bilang transgender woman na first time niyang ginawa sa isang pelikula kaya naman todo ang pasasalamat niya sa lahat ng papuring natanggap niya mula sa members ng showbiz press.
Isa kami sa mga nakapanood kagabi ng “Here Comes The Groom” sa ginanap na premiere night nito sa SM Megamall Cinema 2 na dinaluhan ng entire cast, kabilang na ang direktor nitong si Chris Martinez.
At in fairness, talagang nabigyan ng justice ni Enchong ang kanyang role bilang si Kaladkaren Davila na siyang naka-swap niya ng pagkatao sa kuwento ng pelikula.
Sa mga hindi pa aware, iikot ang kuwento ng “Here Come The Groom” sa nakakalokang pagpapalit-palit ng mga pangunahing karakter sa pelikula nang magkabanggan ang grupo ng mga kontesera sa gay pageant at isang religious family sa isang magnetic field habang nagaganap ang solar eclipse.
Grabe ang mga bardagulan scenes sa pelikula, lalo na nga ang pagganap ni Enchong sa karakter ni Kaladkaren. Nagetsing talaga ng aktor ang bawat kilos at istilo ng pananalita ng impersonator ni Karen Davila.
Kaya naman paulit-ulit ang pasasalamat ni Enchong sa pag-guide sa kanya ni Kaladkaren habang nasa shooting ng kanilang pelikula, “I love you!”
“I will always be grateful to Kaladkaren for being generous to me as an actor. Siya rin ang kalahati ng movie,” mensahe ni Enchong.
“Bawat eksena, gigisingin pa siya ng production to ask him kung paano gagawin eksena ko. Ganu’n siya ka generous!” dugtong pa ng binata.
Reaksyon naman ni KaladKaren sa mga sinabi ng kanyang co-star, “Nagpapasalamat din ako nang buong puso kay Enchong for helping me act like a man! Bawat eksena tinatanong ko rin siya how to deliver ‘yung mga linya.
“Sa totoo lang napakahirap sa isang transgender woman tulad ko na magpakalalaki. Tinalikuran ko na ‘yan! Pero kailangang hugutin uli para sa pelikulang ito!” hirit pa niya.
Ang “Here Comes the Groom” ay ang part 2 ng soul-swapping comedy film na “Here Comes the Bride” na ipinalabas noong 2010 na pinagbidahan nina Angelica Panganiban, Eugene Domingo, John Lapus, Tuesday Vargas, Jamie Fabregas at marami pang iba.
Bukod kina Kaladkaren at Enchong kasama rin sa movie sina Miles Ocampo, Maris Racal, Keempee de Leon, Gladys Reyes, Tony Labrusca, Awra Briguela, Iyah Mina, Xilhouete, Fino Herrera, Nico Antonio at Eugene Domingo, with the special participation of Kim Atienza.
Mapapanood na simula sa April 8 ang “Here Comes The Groom” bilang bahagi ng kauna-unahang Summer MMFF, mula sa Quantum Films, Cineko Productions at Brightlight Productions.
Related Chika:
Tom kay Carla: Papatalo ba ako sa ganda ni misis? Eh di resbakan natin!