Daryl Ong ayaw na sanang mag-celebrate ng birthday dahil sa yumaong ina: ‘Parang pabigat nang pabigat yung pakiramdam ko’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Darryl Ong
MARAMING pinaiyak ang singer-performer na si Daryl Ong sa ginawa niyang pagse-celebrate ng kanyang ika-36 kaarawan nitong nagdaang March 24.
Nakaka-touch at nakakaiyak naman kasi talaga ang ipinost na video ni Daryl sa TikTok kaugnay ng kanyang birthday celebration na inialay niya sa yumaong ina.
Mapapanood sa video ng dating “The Voice of the Philippines” finalist kung paano niya ipinagdiwang ang kanyang birthday “kasama” ang inang pumanaw last year.
Ginawa ni Daryl ang video habang nagmamaneho ng sasakyan noong mismong araw ng kanyang kaarawan. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magse-celebrate siyang wala na ang pinakamamahal na ina.
“Share ko lang habang papalapit nang papalapit yung araw na ito naikuwento ko ito sa asawa ko kay Dea na sabi ko parang pabigat nang pabigat yung pakiramdam ko.
“And to be honest ayokong mag-celebrate ngayong araw dapat. Sabi ko kay Dea sa bahay lang kami. Kasi nagsimulang nagkasakit yung Nanay ko noong 2018 medyo nagbago yung pananaw ko sa birthday sa pag-celebrate ng birthday,” simulang pagbabahagi ni Daryl.
“Gusto ko laging kasama siya sa celebration. Kasi yung mga nanay naman talaga natin ang… kumbaga naisugal ang buhay nila noong araw nang pinanganak nila tayo di ba.
“So kumbaga kung birthday ko ngayon, ano naman sa kaniya? Giving birthday,” aniya pa.
Kuwento ng singer, kapag birthday niya ay palagi niyang tini-treat ang ina bilang pasasalamat sa pagmamahal at sa lahat ng sakripisyo nito sa kanilang pamilya.
Tulad na lang nitong nagdaan niyang birthday ni Daryl, tulad ng dati bumili siya ng bouquet of flowers at ng paboritong pagkain ng kanyang ina na beef mechado na laging nire-request nito bago pumanaw.
“Ito yung isa sa pinakanami-miss ko na pakiramdam yung pabalik ka ng bahay uuwi ka ng bahay may dala kang flowers or may dala kang pagkain. Sobrang appreciative ng Nanay ko,” ani Daryl.
Sa kanyang pag-uwi, agad niyang hinandog ang biniling flowers sa urn ng kanyang nanay, “Yan na ang aking mommy. Ma, may dala akong flowers para sa ‘yo. Happy birthday! Happy giving birthday sa akin, 36 years ago.
“Maraming, maraming salamat sa lahat ng sakripisyo mo bilang Nanay. Sa lahat ng pagmamahal mo sa amin, pag-alaga mo sa amin. I love you Ma. Miss you.
“Para sa ’yo itong flowers sana nakikita mo ito sa heaven. Sana namimiss mo rin kami. Miss na miss ka namin Ma. Miss na miss kita. I love you,” mensahe pa ni Daryl sa yumaong ina.