Marco tinalbugan si Joseph sa mga ‘pabukol’ at ‘pabakat’ sa ‘Baby Boy, Baby Girl’; Kylie pinatunayang karapat-dapat maging best actress
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Marco Gumabao at Kylie Verzosa
MAGALING, magaling, magaling! Ganyan namin ilalarawan ang pinakabagong romance-drama-comedy movie ng Viva Films, ang “Baby Boy, Baby Girl” na pinagbibidahan nina Marco Gumabao at Kylie Verzosa.
Napanood namin ang pelikula sa ginanap na premiere night nito sa SM Megamall Cinema 3 last Tuesday, March 21, at hindi naman kami nagsisi sa pagdalo namin sa event dahil sulit na sulit naman ang effort at inilaan naming panahon para rito.
In fairness, para sa amin ito na ang pinakamagandang pelikula na ginawa nina Kylie at Marco dahil naipakita nila kung gaano sila ka-versatile bilang mga artista.
Napagsama-sama nila sa isang movie ang iba’t ibang klase ng emosyon na hiningi sa kanila ng kanilang mga role, siyempre sa tulong at paggabay na rin ng kanilang direktor na si Jason Paul Laxamana.
Nagdrama, nagpatawa, nagpakilig at nagpainit sina Marco at Kylie sa kabuuan ng “Baby Boy, Baby Girl” at nabigyan nila ng hustisya ang kani-kanilang mga karakter bilang mga sugar baby na nagbibigay ng serbisyo sa mga sugar daddy at sugar mommy.
Naipaliwanag namang mabuti ni Direk JP kung ano ba talaga ang nangyayari sa mundo ng sugar dating at siguradong iba-iba ang magiging reaksyon ng madlang pipol hinggil dito.
Nagmarka sa amin ang confrontation scene nina Kylie at Marco bilang mag-ex na sina Josie at Seb na muling nagkita sa isang lugar na hindi nila inaasahan. Kasunod nito, muli silang nagkaroon ng chance na magkasama uli hanggang sa maglabasan na ang itinatagong galit sa isa’t isa.
Siguradong maaantig din ang mga puso n’yo sa isang eksena ni Marco kasama si Yayo Aguila na gumaganap na nanay niya. Maikli lang iyon pero tagos na tagos kaya hindi na kami magtataka kung manalo ng acting award dito sa Marco.
Napatunayan din ni Kylie sa movie na kering-keri niya ang umiyak, magpatawa, magpakilig at magpaseksi. Napakarami niyang eksena na talagang matatawa ka dahil sa napakanatural ng kanyang akting.
Plus the fact na mag-eenjoy din ang mga kalalakihan dahil sa super sexy body ng dalaga at sa mga intimate scenes nila ni Marco with a twist. Ha-hahahaha!
At siyempre, sure na sure rin kami na magiging happy ang mga beki paglabas nila ng sinehan dahil sa mga eksena ni Marco kung saan naka-boxer briefs lang siya.
Kaloka! Talagang tinalbugan niya si Joseph Marco sa mga pabakat at pabukol scenes niya sa pelikula, lalo na sa eksena habang nakahiga sila ni Kylie sa kama.
Well, hindi na kami masyadong magkukuwento para mabitin at mas ma-excite pa kayo. Promise, hindi masasayang ang ibabayad n’yo sa sinehan kapag pinanood n’yo ang “Baby Boy, Baby Girl.”
Showing na ito ngayon sa mga sinehan nationwide. Kasama rin sa movie sina Giselle Sanchez, Mariska Sanchez, Rey PJ Abellana, Migo Valid, Yen Durano, Gino Roque, Andrea Babierra, Marnie Lapus at Gary Lim.