Ronnie Liang umalma sa paratang na ‘display’ at ‘drama’ lang ang pagpasok ng mga artista sa military: ‘Ito’y para sa bayan!’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Ronnie Liang, Matteo Guidicelli at Dingdong Dantes
IPINAGTANGGOL ng singer-actor na si Ronnie Liang ang mga celebrities na pumapasok sa military at nage-training para maging Army, Air Force at Navy reservist.
Isa si Ronnie sa mga artistang aktibo sa pagtulong at pakikiisa sa mga aktibidad at misyon ng Armed Forces of the Philippines bilang 2nd lieutenant Army Reservist (simula pa noong 2019).
Ngunit sa kabila nga ng ginagawa nilang pagtulong at pagsasakripisyo bilang military reservist, may mga nangnenega at namba-bash pa rin sa kanila sa social media.
Sa kanyang Instagram account, naglabas ng saloobin last March 20, hinggil sa isyung ito. Hindi raw kasi niya matanggap na may mga naglalabas pa rin ng mean comments tungkol sa mga taga-showbiz na pumapasok sa military.
“Ako po ay isang Army Reservist at nais ko pong ipaabot ang aking opinyon tungkol sa isyung nabanggit tungkol sa aming serbisyo.
“Gusto ko po sanang malaman ng lahat na ang aming pagsisilbi sa ating bayan ay hindi lamang para sa display,” simulang pagbabahagi ni Ronnie.
Pagpapatuloy pa niya, “Bilang isang reservist, mayroon po kaming responsibilidad na tumugon sa tawag ng tungkulin kung kinakailangan na walang anuman inaasahang kapalit, Para Sa Bayan (volunteer).
“Marami po sa amin, kabilang na ako, na naipadala na sa Sulu, ay aktibong sumasagot sa mga tawag ng pangangailangan ng ating bansa.
“Ang aming pagiging kilala ay hindi hadlang sa aming serbisyo at pagmamalasakit.
“Sa katunayan, ito ay isang pagkakataon para sa amin upang maging modelo sa mga kabataan na maging handang tumugon na maging volunteer, mag tulong tulong at maglingkod sa ating mga kababayan.
“Sapagkat kaming mga reservists ay naniniwala na walang tutulong sa kapwa Pilipino kundi tayo – tayo din mga Pilipino,” paglalahad pa ng singer.
Pagtatanggol pa niya sa mga celebrities na pumapasok sa Philippine Army, “Kami po ay nagte-training upang maging handa sa oras ng pangangailangan. Sa bawat pagkakataon na naitatalaga sa amin, hindi po namin sinasayang ang oportunidad na maipakita ang aming kakayahan.
“Kung ano po ang aming skills, napag-aralan, at talento ay buong puso po naming ginagamit para makatulong at makapag lingkod sa bayan.
“Hindi man po kami makapag full time na sundalo dahil may ibang mga trabaho din kami na kailangang gampanan. Subalit sa panahon na kailangan ang aming serbisyo ay buong loob po kaming tumutugon dito,” paliwanag pa niya.
Sa huli, nakiusap pa si Ronnie sa madlang pipol, “Kaya po sana ay huwag po nating ibaba ang kontribusyon ng bawat reservist, kabilang na ang mga celebrity reservists, sa ating bayan.
“Ang serbisyo po namin ay hindi lamang para sa pagsabak sa West Philippine Sea (WPS) or sa Sulu, kundi upang maglingkod sa ating bansa sa abot ng aming makakaya kabilang na ang humanitarian missions or disaster response. Maraming salamat po,” sabi pa ni Ronnie Liang na isa ring licensed pilot.
Ang iba pang kilalang celebrities na nag-training bilang military reservist ay sina Dingdong Dantes, Richard Gomez, JM de Guzman, Arci Muñoz, matteo guidicelli, Enzo pineda, Gerald Anderson at marami pang iba.