PINAGTRIPAN ng veteran actress na si Amy Austria at ng Kapuso director na si Dominic Zapata si Xian Lim sa isang eksenang ginawa nila para sa seryeng “Hearts On Ice.”
Kuwento ni Amy, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatrabaho niya si Xian at in fairness, wala raw siyang masasabing masama sa binata.
“Si Xian Lim, hindi ko pa yan nakasama. First time nu’ng storycon kami. Uminom ako ng kape, isa na lang, sabi ko, ‘Ay! Hindi ka pa pala nakainom.’
“Sabi kong ganyan, ‘Anak, gusto mo ng kape?’ ‘Tapos ang sagot niya… hindi niya alam kung nainom ko na, sabi niya, ‘Opo.’ So, humingi ako ng baso, hinati ko, uminom siya. Walang arte,” pagbabahagi ni Amy sa naganap na presscon ng “Hearts On Ice.”
“Tapos, nu’ng nag-look test kami, may dala akong dulong. Nakita niya, ‘Ay! Dulong! Ay! Ang sarap ng dulong!’ Tuwang-tuwa ako sa kanya, binigyan ko ng pambaon,” dagdag pang chika ng beteranang aktres.
Nagbalik-tanaw din si Amy noong magkatrabaho sila ni Direk Dominic Zapata sa “Mulawin” kung saan pinakain daw nila ang bida ritong si Richard Gutierrez ng galunggong.
Ang akala nila, hindi ito kinakain ng aktor pero nagulat sila na game na game itong nilafang ni Richard. Kaya naman naisipan nga nina Amy at Direk Dominic na gawin din ito kay Xian.
“May eksena kami na galunggong ang kinakain, sabi ko, okay lang, baka kumakain talaga siya ng galunggong. Pinagkamay siya.
“In-adlib-an namin ng, ‘Direk, gawin natin yung ginawa natin nu’n kay Richard, pinakain natin ng ulo.’ Sabi niya, ‘Sige, isama mo yun.’
“Nu’ng eksena na, talagang kinain niya yung ulo. Pagkakain niya, ‘Hmmmm, ang sarap ng ulo,’ ganu’n-ganu’n.
“Alam mo, na-cut na yung eksena, hawak niya yung galunggong, dalawa, kain siya nang kain. Kinakain pa rin niya, nagkakamay siya,” chika ng aktres.
Samantala, tinanggap daw agad ni Amy ang “Hearts on Ice” nang ialok ng GMA dahil nagandahan siya sa kuwento bukod pa sa makakasama niya uli ang mga nakatrabaho niya noon sa “Mulawin.”
“Nu’ng nabasa ko yung script, ang ganda! Una, kaya tinanggap ko ito, kasi alam ko yung team namin ng Mulawin, sina Direk Dom, si Ms. Helen Rose Sese, Si Edlyn Tallada. Team ng Mulawin ‘to na kumportable ako at alam kong hindi sila gagawa ng hindi maganda.
“Kapag sila ay nagtrabaho, alam kong maayos, alam kong tutok, alam kong matino. And then, nang nabasa ko yung script, nakita ko yung role ko, hindi siya ordinaryong nanay lang.
“Kumbaga, kung titingnan mo, parang sa kanya nagsimula ang istorya nitong Hearts on Ice,” aniya pa.
Aminado naman si Amy na nanibago talaga siya nang muling sumabak sa pag-arte, “Nu’ng nabasa ko yung script, una pa lang na-anxiety ako, ninerbyos ako, kasi ang tagal ko nang hindi lumabas, tapos ang hahaba pa ng mga dialogues ko.
“Tapos, may mga drama pa, may iyakan na hindi ordinaryong drama lang. Tapos, kung paano mo atakehin yun. Nu’ng first day naman, praise God! Napag-aralan ko na, maayos naman,” ang pagbabahagi pa ni Amy Austria.