Bakit idinamay ang inosenteng bata? | Bandera

Bakit idinamay ang inosenteng bata?

- June 24, 2010 - 01:44 PM

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

SINUNTOK at sinakal ang aking 14-anyos na anak na babae na si Nastassja ng isang matipuno at matangkad na lalaki noong Biyernes.
Kalalabas lang ni Monik, ang kanyang palayaw, sa elevator nang siya’y sinuntok sa tiyan at sinakal hanggang mawalan siya ng malay.
Bago siya nawalan ng ulirat, narinig niya ang lalaki, na di niya nakilala dahil nakasuot ito ng baseball cap, na nagsabing, “Papatayin ko ang daddy mo!”
Nang makita ng kanyang ina si Monik, nakahandusay na ito sa semento sa labas ng unit ng condominium na tinitirhan nilang mag-ina. Ang condominium ay nasa Makati City.
Nakakalat ang kanyang mga notebook at libro sa semento. Kakagagaling lang niya kasi sa kanyang eskwela.
Nakapasak ang kanyang sariling panyo sa bibig ng aking anak. Ito’y parang mensahe na tumigil na ako sa aking pagbabatikos.
Hanggang ngayon ay hindi pa nakaka-recover ang aking anak sa insidenteng yun.
Kailangan ko siyang ipadala sa psychologist upang maka-recover siya sa trauma.
* * *
Kahit na nangyari sa aking anak ang masakit na karanasan na ako talaga ang pakay, hindi ako titigil sa pagbabatikos sa mga katiwalian sa ating lipunan.
Nagkakamali ang taong yun o yung nag-utos sa kanya dahil hindi ako mapapatigil.
Gayun pa man, gusto ko ring ipaabot sa kanya at sa nag-utos sa kanya na dapat ay matakot siya sa Law of Karma: Kung ano ang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin.
Maaaring humahalakhak kayo ngayon dahil di kayo nakilala, pero hindi rin magtatagal na kayo ay makikilala.
Kapag nakilala ko kayo, pagsisisihan ninyo ang ginawa ninyo sa walang kamalay-malay na batang babae.
Wala kinalaman si Monik sa mga ginagawa kong batikos sa inyo, bakit ninyo siya idadamay?
Ano ang inyong mararamdaman kapag nangyari sa mga anak ninyo ang ginawa ninyo sa aking anak?
* * *
Matagal na akong walang bodyguard, bakit di na lang ninyo ako targetin at hindi ang mga taong walang kalaban-laban?
Tinanggalan ako ni First Gentleman Mike Arroyo ng aking mga bodyguards na mga Marines.
Ito’y matapos kong ibunyag ang smuggling ng kanyang kalaguyo na si Vicky Toh.
Di pa siya nasiyahan, inutusan niya ang Philippine National Police (PNP) na huwag i-renew ang permit-to-carry ng aking baril noong ito ay nag-expire.
Mabuti na lang at merong nagmalasakit sa akin sa PNP Firearms and Explosives Office at inisyuhan ako ng permit nang patago.
Madali naman akong matunton kapag masipag lang sila.
Bakit di ako ang tangkain na saktan?
I’m a fair game, ‘ika nga, dahil meron akong paraan na maipangtanggol ang aking sarili.
Pero por Diyos, por santo naman, bakit sasaktan ninyo ang isang inosenteng bata na hindi maipagtanggol ang kanyang sarili?
* * *
Tinanggap na raw ni Chairman Leila de Lima ng Commission on Human Rights (CHR) ang alok ni P-Noy na gawin siyang secretary of justice.
Naku, malilintikan kay De Lima sina Gloria at Mike Arroyo!
Kapag inimbestigahan ang mga diumano’y pangungurakot ng mag-asawa, hindi sila tatantanan ni De Lima na aatasan daw na usigin ang mga nangurakot sa administrasyon ni Gloria.
Siyempre, nangunguna ang mag-asawang Arroyo sa listahan ng diumano’y mga nagnakaw sa kaban ng bayan.
Hala, birahin mo sila Gloria at Mike, Miss De Lima!

Bandera, Philippine News, 062410

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending