Nora Aunor
“NAMATAY na ako ng three minutes nitong nakaraan lang.” Iyan ang nakakalokang rebelasyon ng Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor.
Nabanggit yan ni Ate Guy sa panayam ng “Fast Talk With Boy Abunda” kahapon, February 20, nang mapag-usapan nga ang tungkol sa mga himalang nangyari sa kanyang buhay.
“Hindi alam talaga ng mga tao. Sorry po, napag-usapan at hindi naman siguro masama na sabihin ko ang totoo sa talagang nangyari sa akin,” ang paumahin pa ng award-winning veteran actress sa mga manonood.
Aniya, may pagkakataon na pabalik-balik daw siya sa ospital hanggang sa isang araw ay siya na mismo ang nagpasugod sa ospital sa mga kasama niya sa bahay dahil sa biglang pagbabang kanyang blood pressure.
“Pagkahiga ko (sa hospital bed), hindi ko na alam kung ano ang nangyari,” ani Ate Guy. At ang sabi nga raw sa kanya ng doktor nang magkamalay sa ICU, tatlong minuto siyang namatay.
“Sabi nga sa akin, ‘Suwerte mo, mahal ka ng Diyos,’” pagbabahagi ni Nora.
Pagpapatuloy pa ni Ate Guy, ang unang himala raw na nangyari sa kanya ay nang makaligtas siya aksidente habang sinu-shooting niya ang “Himala” sa Ilocos Norte noong 1982.
“Naaksidente po ako. Ako ang nagda-drive, wrong lane yung pinasok ko, nagbanggaan. So, yung sasakyan ko, talagang accordion. Talagang hindi na nagamit,” ang pag-alala ng Superstar.
“Ang sabi nila, nagdasal sila (mga kasamahan sa trabaho). Akala nila baka namatay na ako, saka yung tsinelas kung saan-saan napunta.
“Ang maganda po nito, nu’ng maaksidente ako, ang narinig, ‘Boss, yung kasama ko.’ Pagkatapos noon, wala na akong narinig.
“Ang nangyari pala, yung salamin sa harapan, natanggal sa sasakyan pero buo, hindi nabasag. Yung manibela naman, imbes na tamaan ako sa dibdib, lumihis yon sa akin, so wala talaga akong naramdamang sakit.
“Ang naramdaman ko lang yung nauntog yung ulo ko sa may bintana,” pagbabalik-tanaw pa ni Ate Guy.
Ang isa pang insidente na nagpatunay na talagang may himala ay nang mawalan siya ng boses na naging dahilan ng pagtigil niya sa pagkanta at pagpe-peform.
Ito’y dahil nga sa umano’y sablay na operasyong isinagawa sa kanya sa isang clinic sa Japan noong 2010.
“Yung pangalawa, sa Japan, nawala ang boses ko kasi tatlong araw po ako na… wala talaga. Kung anu-ano na ang panaginip ko, dalawang araw akong hindi nagising.
“Paggising ko, sigaw ako nang sigaw, wala akong marinig na boses sa akin, tapos wala pa akong makita sa clinic na pinagdalhan sa akin, walang tao.
“So, sinipa ko yung kama para mag-ingay. Kaya lang sila pumasok, nung marinig nila yung ingay. Salita ako nang salita, tanong ako nang tanong. Sabi ko, ‘Bakit wala akong boses?’
“Ang sabi sa akin, nilinis daw yung lungs ko. Nilinis daw yung lungs ko kasi puno raw ng sigarilyo.
“Sabi ko naman, ‘Diyos ko naman, ang tagal-tagal ko nang naninigarilyo, hindi naman ako… hindi dapat mangyayari itong nawala ang boses ko,'” aniya pa.
“Bakit ganito ang nangyari? Para bang, ano bang malaking kasalanan ang nagawa ko?” ang tanong ng aktres noong panahong yun.
“Inisip ko na lang po na ibinibigay ng Diyos (ang mga pagsubok) dahil sa mga magiging kapalit pero ang tagal na, no?
“May mga insidente na puwedeng sisihin, may mga tao dapat… pero mahirap na magsalita kasi andun na. Magsalita ka man na magsalita, wala naman mangyayari,” ang pahayag pa ng nag-iisang Superstar.
Promise ni Ate Guy bilang National Artist: Patuloy pa nating isusulong ang mga pelikulang kapupulutan ng aral at inspirasyon
Vilma inaming nagkaroon sila ng tampuhan ni Nora Aunor
Pamilya ni Ate Guy inapi-api noon: ‘Nangungutang ako ng bigas, walang magpautang sa akin kaya wala kaming makain’