Promise ni Ate Guy bilang National Artist: Patuloy pa nating isusulong ang mga pelikulang kapupulutan ng aral at inspirasyon | Bandera

Promise ni Ate Guy bilang National Artist: Patuloy pa nating isusulong ang mga pelikulang kapupulutan ng aral at inspirasyon

Ervin Santiago - July 04, 2022 - 07:41 AM

Nora Aunor

NANGAKO ang nag-iisang Superstar at National Artist na si Nora Aunor na patuloy pa rin siyang gagawa ng mga makabuluhan at dekalidad na pelikula.

Ito’y sa gitna nga ng pinagdaraanan niyang pagsubok ngayon na may kinalaman sa kanyang kalusugan.
Hindi binigo ni Ate Guy ang kanyang mga Noranians nang dumalo siya sa pa-tribute ng Cultural Center of the Philippines (CCP) bilang pagkilala sa pagkakahirang sa kanya bilang bagong National Artist for Film.

Ang anak niyang si Ian de Leon ang nagsilbing escort ng award-winning veteran actress sa nasabing event. Hindi pa rin dito nakasama ni Ate Guy ang kanyang panganay na si Lotlot de Leon.

Nilinaw naman agad ni Nora na hindi dahil sa iniinda niyang sakit ang paggaralgal ng kanyang boses habang nagbibigay ng mensahe sa audience. Aniya, talagang kinakabahan lang siya nu’ng sandaling yun.

“Simula po nu’ng June 10 nang opisyal na inanunsiyo ang bagong hirang na national artist ang inyo pong lingkod ay labis na natutuwa at nagpapasalamat sa napakalaking pagkilalang ito na iginawad sa akin at sa aking sining na hindi magiging isang katotohanan kung hindi po sa inyong walang sawang pagmamahal at pagtitiwala po sa akin,” bahagi ng acceptance speech ni Ate Guy.

Aniya pa, “Gusto ko pong isipin na sa pagkilalang ito na iginagawad sa akin kasama ko rin po kayong pinaparangalan lalo na ang mga mahal kong Noranians, ang mga kapwa ko artista at mga batikan at mga baguhang direktor at mga producers na patuloy pa ring isinusulong ang paggawa ng makabuluhang pelikulang Pilipino.

“Asahan po ninyong sa abot ng aking makakaya ay patuloy pa nating isusulong ang mga pelikulang kapupulutan ng aral at inspirasyon. Mga pelikulang magsasalaysay ng ating mga kuwento bilang mga Filipino,” pagbabahagi pa ng bago nating National Artist.

Samantala, nagpasalamat din si Ate Guy sa lahat ng nagdarasal para sa agaran niyang paggaling. Isinugod kamakailan sa ospital ang veteran actress dahil sa kanyang karamdaman.

“Nitong mga nakaraang araw sinubok po uli ako ng isang karamdaman kaya po hindi ako nakadalo sa Malacañang.

“Ngunit nagiging malakas po ang pakiramdam ko dahil sa mga dasal ninyo. Salamat po sa pag-aalala at pagpaparating ng inyong mga mensahe.

“Utang na loob ko po sa inyong lahat ang ang buhay at sining na minahal ninyo po sa isang Nora Aunor simula po nu’ng nakipagsapalaran ako na umawit at sinuong ang buhay ng pelikula ilang dekada na ang nakakaraan.

“Hindi po laging madali ang buhay na ito ngunit wala po akong maisusumbat kanino man dahil sa kabila ng lahat ng ihirap at kontrobersiya patuloy po ninyo akong minamahal at ang sining na aking munting handog sa inyong lahat.

“Pinapasalamatan ko po sa puntong ito ang mga guro, ang mga kapwa ko Bicolano, ang mga kritiko, ang mga mag-aaral at manonood ng mga pelikulang Filipino at ang mga Noranians na hindi po bumitaw sa akin,” mensahe pa ng Superstar.

Hindi rin niya nakalimutang pasalamatan ang chairman ng National Commission for Culture and the Arts na si Nick Lizaso at si dating Pangulong Rodrigo Duterte, pati na ang kanyang mga magulang, mga anak, at ilang kaibigan.

“Niyayakap ko po kayong lahat at lagi ko kayong iisipin at pasasalamatan habangbuhay. Kayo po ang himalang ipinagpapasalamat ko sa Diyos at kayo pong lahat ang dahilan kung bakit may awit sa aking puso, kayo po ang dahilan kung bakit may isang Nora Aunor,” dagdag pa ni Nora.

https://bandera.inquirer.net/315658/nora-aunor-itinanghal-bilang-isa-sa-mga-national-artists

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

https://bandera.inquirer.net/315785/anu-ano-ang-mga-benepisyong-matatanggap-ni-ate-guy-at-ng-iba-pang-itinanghal-na-bagong-national-artist
https://bandera.inquirer.net/297383/vilma-inaming-nagkaroon-sila-ng-tampuhan-noon-ni-nora-aunor

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending