The Manila Film Festival magbabalik ngayong 2023 makalipas ang 29 years; Top 8 entry ibabandera sa Marso

Manila Film Festival magbabalik ngayong 2023 makalipas ang 29 years; Top 8 entry ibabandera sa Marso

Nagsanib-pwersa ang Manila government at Saranggola Media Productions para sa pagbabalik ng The Manila Film Festival ngayong 2023

MAGBABALIK na ang The Manila Film Festival ngayong 2023 mula sa mungkahi ni Manila Vice Mayor Yul Servo na sinang-ayunan naman ni Mayor Honey Lacuna.

Nakipag-partnership ang Manila government kay Saranggola Media Productions, Edith Fider na nakilala sa mga pelikulang pinrodyus niya tulad ng “Damaso”, “Tatlong Bibe,” “Suarez: The Healing Priest”, “Ayuda Babes,” at “Yorme: The Isko Domagoso Story.”

Kuwento ni Mayor Lacuna, “Siya po ang naging katuwang namin at siya po ang magbibigay ng grant para sa walong mapipiling screenplay na kasama sa Manila Film Festival.

“Matagal na pong nawala ang Manila Film Festival at dahil sa aking energetic partner (VM) Yul Servo ay sila (Ms. Edith) pong dalawa ang nag-conceptualize para sa pagbabalik ng MFF,” aniya pa.

Sa nasabing mediacon para sa pagbabalik ng TMFF ay isinabay na rin ang signing of Memorandum of Agreement.

“Sabi ko po kay Mayora, gaining back na ito sa akin batang Maynila po ako and because of mentors since I was a child nakuha ko ‘yung passion at kung ano po iyong gusto kong gawin sa buhay ko and this is filmmaking.

“Maliit lang na production (Saranggola) pero somehow malalaking pelikula naman po ‘yung mga nagagawa namin awa ng Diyos,” say ni Ms. Edith.

At dahil marami na ring nakilalang mga producers ay pinangakuan siyang tutulong at magbibigay ng grant.

“Mga filmmakers na kagaya ko ay willing sila to adopt participants para i-produce nila at that’s one thing achievement kasi may mga partners na rin kaming mga producers willing to join hands in Manila para sa endeavor na ito,” kuwento pa ng producer.

Gayun din sa mga talent managers at artista na handa ring tumulong at mag-waive ng talent fees, pero sabi ng Saranggola producer ay mag-aabot sila kahit honorarium para maski paano ay may pamasahe sila pagpunta sa shooting.

Open ito sa qualified bonafide students both private and public universities, colleges at senior high schools. Ang deadline ng submission of screenplay entries via email ay sa Marso 10 sa ganap na 11PM at ipadala sa themanilafilmfesival@gmail.com

Sa March 20 ang announcement ng selected eight entries, awarding of first tranch of production grants, assignment of mentors, June 2 naman ang submission of completed film and teaser, June 3-24, promotion period, June 17 film screening at ang petsa ng awarding of prizes to follow.

Nasa mediacon din sina Direk Al Tantay at Jay Altarejos bilang mentors kaya natanong sila kung ano ang puwede nilang ibahagi para maging tagumpay ang pagbabalik ng The Manila Film Festival pagkalipas ng 29 years.

Sabi ni direk Al, “As mentor ay ibabahagi namin (aspiring filmmakers) kung ano ang nalalaman namin sa paggawa ng pelikula.  Baka nga mas matuto pa kami sa kanila, magkatulungan pa kami.”

Mula naman kay direk Jay, “Tulad nga ng sinabi ni direk Al ay0 ibabahagi namin ‘yung mga nalalaman namin at sana makagawa tayo ng mga pelikula na nagsasalamin na pumapanig sa katotohanan at kasaysayan kasi kailangan natin.”

Nilinaw ding hindi puwedeng lumabas sa pelikula ang dalawang direktor bilang artista dahil mentors sila, pero si Vice Mayor Yul ay puwede dahil hindi siya kasama sa selection committee at hindi rin mentor.

“Gusto ko kung kaya ng schedule,” sambit ni VM Yul.

Anyway, taong 1994 ang huling Manila Film Festival at hindi na nasundan pa dahil sa iskandalong kinasangkutan noon nina Gabby Concepcion at Ruffa Gutierrez bilang ipinanalong Best Actor at Best Actress gayung ang talagang panalo ay sina Edu Manzano at Aiko Melendez na ngayon ay konsehala ng 5th District of Quezon City.

Vice Ganda may pahiwatig, Vhong Navarro magbabalik na nga ba sa ‘It’s Showtime’?

KZ Tandingan super lucky kay TJ Monterde, may asawa na may ‘driver’ pa: Minsan naaawa na rin ako sa kanya kasi…

Robin, Cesar, Alfred, Gardo gumanap bilang Andres Bonifacio; Yul Servo tuloy ang laban para sa ‘Ama ng Rebolusyon’

Read more...