Cherry Pie Picache payag gumanap na Imelda Marcos pero hindi magpapadirek kay Darryl Yap: ‘May kunsensiya pa ba siya?’
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Cherry Pie Picache at Darryl Yap
MARAMING ginulat si Cherry Pie Picache sa katatapos lamang na mediacon para sa pelikulang “Oras de Peligro” na idinirek ni Joel Lamangan.
Matapang at diretsong sinagot ng aktres ang mga tanong ng press na may kaugnayan kay Direk Darryl Yap.
“May kunsensiya pa ba siya?” ang sagot ni Pie sa tanong kung sakaling aalukin siyang gumanap sa karakter na Mrs. Imelda R. Marcos at si Darryl ang magdidirek.
Ang paliwanag ng aktres kung gaganap siya bilang Imelda, “Depende sa konteksto ng pelikula, sa script why not? Pero by Darryl Yap, no!”
Sundot na tanong, bakit ayaw ni Pie magpadirek kay Darryl, “Ewan ko, may konsensiya pa ba siya?”
Marami kasi ang kumukuwestiyon sa pelikulang idinirek ni Darryl dahil hindi raw umano ito nagsasabi ng totoo tulad ng nangyari sa ginanap na EDSA Revolution taong 1986 kaya nawala sa puwesto ang namayapang Presidente na si Ferdinand E. Marcos.
Ito ang kuwento ng unang pelikula ni direk Darryl na “Maid in Malacañang” na susundan ng “Martyr or Murderer” na mapapanood sa March 1 na dati raw naka-schedule ng February 22.
Kaya natanong ang isa sa producer ng “Oras de Peligro” na si Atty. Howard Calleja kung sino ba ang tumapat sa kanila ng pelikula ni direk Darryl.
“Basta ako walang tinatapatan. Matagal na kaming nagsimula, at nauna rin kaming mag-book ng March 1 (showing), ang pagkakaalam ko hindi March 1 ‘yung kanilang unang date, eh.
“Inurong nila from sometime in February to March 1, so, whether gusto nilang tumapat o hindi, tapatan nila, tabihan nila, patungan nila kami kahit anong gawin nila tuloy kami kasi walang hihinto sa katotohanan, walang haharang sa katotohanan,” pahayag ni Atty. Calleja.
Going back to Cherry Pie, “Ipinakikiusap ko sa media people ngayon na alam natin kung gaano kaimportante ang social media, ‘yung pelikula namin isa lang ito na tool para hikayatin ang tao na sana labanan natin ang disinformation.
“Kaya kapag nagpo-post tayo sa social media siguraduhin natin na responsible tayo. Alam natin kung ano ang facts, kasi tayong may mga edad na okay alam natin kung ano ‘yung totoo sa hindi.
“Pero kawawa naman ang kabataan natin. Paano nila maipaglalaban ang bansa na mahal na mahal natin kung mabubuhay sila sa disinformation or false facts, e, di ba ang kabataan ang pag-asa ng bayan?” sabi ng aktres.
Sa one-on-one interview ng ilang media kay Cherry Pie ay kinlaro niyang hindi personal ang galit niya kay Direk Darryl.
“Hindi ako galit, nililinaw ko po walang personalan. It’s just that I’m just making a stand na parang ano ba (alam naman ng lahat ang totoo).
“It’s his work, so, kami naman whatever expression you want to say or you want to use, this is a democratic country. Actually, tanong ‘yun, ‘may konsensiya pa ba siya?” diin ng aktres.
Marami kasi ang nagulat dahil unang beses kasing naringgan ng ganito katapang na pahayag si Pie, “Wala talaga akong galit, sana huwag siyang magalit sa akin. Ha-hahaha!” sagot ng aktres.
Tinanong namin kung magkakilala sila ng small but terrible director, “Parang hindi.”
Dagdag pa, “Magpapadirek ako kung willing siyang (Darryl) magsabi ng totoo tulad nga ng sinabi ni Atty. Howard, pero kung hindi salamat po pero ‘wag na lang.
“Tulungan ninyo kami na this movie is not about against anybody, this movie is just telling the truth and what it is especially the people na hindi nakaranas ng EDSA Revolution o ano ang totoong nangyari sa kasaysayan.
“Hindi puwedeng i-edit, hindi puwedeng baguhin that’s why it’s history, hindi mo made-deny ‘yung actual na nangyari dahil actual footage (ang makikita sa pelikula). Let’s spread love, like and the truth,” panawagan pa niya.
Puwede bang masabing “sinungaling si direk Darryl Yap?” “Oo!” diretsong sabi ni Cherry Pie.
“Hindi personally, ha! ‘Yung mga ginagawa niya (ang kasinungalingan), ‘yun ang opinyon ko. I may not be shared by everybody,” katwiran ng aktres.
Ipinagmamalaki ng buong cast ang “Oras de Peligro” dahil makikita raw kung ano ang katotohanan sa nangyaring EDSA revolution.
Bukod kay Pie ay kasama rin sa pelikula sina Apollo Abraham, Marcus Madrigal, Timothy Castillo, Elora Espano, Jim Pebanco, Mae Paner, Dave Bornea, Rico Barrera, Alvi Siongco, Gerald Santos, Crysten Dizon, Nanding Josef, Therese Malvar, Allan Paule at Allen Dizon.
Handog ng Bagong Siklab Productions nina Atty. Howard Calleja at Alvi Siongco, mapapanood ang Oras de Peligro sa Marso 1 at magkakaroon ng premiere night sa Pebrero 23.