Willie sa bashers ng Wowowin at ALLTV: ‘Parang natutuwa pa kayong mawawala ang mga show na nagbibigay ng tulong at saya’
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Willie Revillame
FOLLOW-UP ito sa nasulat namin dito sa BANDERA kagabi na ipinahihinto na ang mga umeereng programa ng ALLTV na pag-aari ng Advance Media Broadcasting System tulad ng “Wowowin”, “MOM” at “Toni.”
Hindi nagustuhan ng “Wowowin” host na si Willie Revillame ang mga naglabasan sa social media at sa mga showbiz websites at vlogs na kaya mawawala na ang mga programa ay dahil walang advertisers at mababa ang ratings.
Tulad ng nasulat namin dito sa BANDERA ay nabanggit ng aming source na may budget naman daw ang mga Villar sa pagpo-produce ng shows.
“Ang problema, return of investment. Walang pumapasok na advertisers. Labas sila nang labas ng pera pero walang pumapasok. Wala ring pumapasok na shows for block timers kasi mababa ang ratings. Super baba,” say ng aming source.
Siniguro pa ng aming kausap na babayaran ang lahat ng production staff at mga host ng mga nabanggit na programa.
Sa simula pa lang ng programang “Wowowin” nitong Linggo, Pebrero 4 ay halatang wala na sa mood si Willie at habang pinapataas pa ang viewers ng show bago bolahin ang mananalo ng Bria house and lot ay nag-i-scroll siya ng kanyang cellphone.
“Tama na ‘yung mga usap-usapan ngayon, haka-haka at kung anu-ano. Ganu’n talaga ang buhay hangga’t hindi ka nagnanakaw, hindi ka involved sa mga ilegal, nagpapasaya ka araw-araw okay na ‘yun.
“Tutulog ka nang mahimbing may peace of mind ka, mabuti ang puso mo dapat ganu’n lang tayo. Napapansin ko pag may mga balitang ganito, mawawalan ng trabaho ganu’n, di ba? ‘O, iyan kasi, iyan kasi!’
“Dapat hindi tayo ganu’n, di ba? Dapat walang mga ganyang comment. Masarap ‘yung mga maraming nagmamahal sa ’yo at minamahal ka,” ani Willie.
At saka niya nabanggit na kaya successful ang mga Korean ay dahil solid ang samahan nila, hindi sila nag-iintrigahan, hindi nag-aaway, walang inggitan siguro nga dahil walang corruption.
Sabay sabing, “Malapit na naman ang eleksyon 2025. Halos dalawang taon na lang kasi may tatlong buwan silang mangangampanya.”
Saka sinabi kung sino ‘yung mga politikong nakatulong sa publiko sa panahon ng kalamidad at pangangailangan ay sila ang dapat iboto.
“Ang masarap ay ‘yung tumutulong ka kahit wala kang posisyon kasi hindi ka pag-iisipan ng kahit na ano tulad ng nagko-corrupt ka,” sambit ng TV host.
At saka inisa-isa ang mga nagawang tulong ng programang “Wowowin’ sa probinsya ng Siargao at Catanduanes na dinalhan ng jacket, damit, kumot, gamot dahil may mga islang hindi napupuntahan na napuntahan para abutan ng tulong, pati ang pagbibigay ng tig isang milyon sa mga mayor ng siyam na local government sa mga probinsya at iba pa ang tig limang milyon sa limang lugar.
Kaya nagbalik-tanaw si Willie ay dahil, “Para alam ng mga kababayan natin ang ginagawa ng programang ito (Wowowin), sana hindi mawala ito kasi tumutulong ito sa gobyerno, eh.
“Hindi lang sa gobyerno, tumutulong ito sa mga kababayang nangangailangan, ‘yung mga ibinibigay kong 10,000, 20,000 kung ito nakakawalo kami, it’s about 200,000 a day (at) limang milyon po sa isang buwan kung kukuwentahin.
“Tapos madidinig n’yo na mawawala (o) hihinto (Wowowin) natutuwa kayo (sabay iling). Natutuwa ba kayo na may mga kababayan tayong natutulungan o nawawalan?
“Dapat nga ipinagdadasal ninyo kami na tuluy-tuloy ang programa. Ganu’n talaga ang dami ninyong sinasabi na, ‘ang yabang-yabang n’yo kasi.’
“Ano ang ipinagyabang namin? Hindi namin ipinagyayabang ang programang ito, it’s not about me, it’s about the program Wowowin. Kaya ko ito lahat ikinukuwento (mga naitulong sa mga biktima ng kalamidad) ay dahil may mga lumalabas ngayon na mga programa sa ALLTV mawawala.
“E, parang natutuwa pa kayo na mawawala mga programa na nagbibigay ng saya at tulong. Sana hindi ganu’n di ba?” garalgal ma ang boses na sabi ni Willie.
Dagdag pa, “Ako naman willing naman tumulong sa sobrang blessed namin. Hindi naman sana ganu’n. Siyempre you have to understand nagsisimula palang ang ALLTV, nagsisimula palang ho kami. Sanggol pa lang ito, eh.
“Talagang wala pang commercial na papasok dito kasi wala pa kaming reach, wala pa kaming signal kaya nga ho sinisimulan palang. Sana ipagdasal n’yo kami na maging successful ito para maraming istasyon na maraming magawa, marami kayong madinig na kabutihan, di ba?
“Set aside ang politika. Marami pa kayong dapat malaman tungkol sa frequency kung alam n’yo lang ang totoo, ayaw ko na lang magsalita na pangungunahan ko sila.
“Yun lang ho, ‘yan ang ginawa ko during the pandemic, ‘yan ang ginawa ko sa kalamidad na hindi po ako (nanghingi) ni isa mang boto,” mariing sabi pa ni Willie.