Alfred Vargas umakyat ng ‘ligaw’ kay Ate Guy: ‘Sobrang kaba…inalok niya akong kumain ng buchi, ng pizza saka pancit’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Alfred Vargas, Nora Aunor, Gina Alajar at Adolf Alex, Jr.
TULOY na tuloy na ang pagsasamahang pelikula ni Alfred Vargas at ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor na may titulong “Pieta”.
Ito’y ididirek ni Adolf Alix, Jr. kung saan makakasama rin ang award-winning actress at director na si Gina Alajar.
Humarap sa ilang miyembro ng entertainment media ang tatlong leads stars ng pelikula kamakalawa, February 4, pati na si Direk Adolf para ibandera ang good news sa buong universe.
Ayo kay Konsehal Alfred, dream come true para sa kanya na makatrabaho sina Ate Guy at Direk Gina sa pelikulang “Pieta” na siya rin ang pagpo-produce. Until now ay hindi pa rin siya makapaniwala na nag-yes ang Superstar sa movie.
“Unang-una, gusto kong magpasalamat sa the one and only Superstar, si Ate Guy, Miss Nora Aunor,” pahayag ng Kapuso actor.
“Dahil napasama ako sa pelikula niya at tinanggap niya itong project na ito. Nu’ng tinanggap niya yung project na ito, biglang lumaki yung project. Thank you very much, Ate Guy,” simulang pagbabahagi ni Alfred.
Dagdag pa niya, talagang niligawan niya si Ate Guy nang bonggang-bongga, “Nagpunta po ako mismo sa bahay niya. Para akong umakyat ng ligaw, kasama si Direk Adolf. Tapos tuwang-tuwa ako kasi napakamapili ni Ate Guy pagdating sa mga projects. E, napili niyang gawin itong Pieta with us.
“Second, I’d like to thank Direk Adolf Alix. Kasi concept niya ito, pelikula niya ito na nagkataon, e, may bagay na role para sa akin. Direk, thank you, gusto naman kitang makatrabaho eversince e kahit noong Cinemalaya days pa.
“At least ngayon matutuloy, tapos Nora Aunor movie pa. Tapos Direk Gina Alajar pa, nandirito.
“Si Direk Gina naman po, parang I feel very close to her. Kasi ang dami ko pong workshop days na nakasama siya.
“And siya rin po yung nag-workshop sa akin to prepare me for my last film before, yung Tagpuan, na napakaganda rin naman. Kaya Direk Gina, thank you very much also for being with us sa project na ito. I’m looking forward.
“At least masasabi ko po, sa career ko… dumating yung panahon na sa pelikula ni Nora Aunor at Gina Alajar, ako po ang leading man!” tuluy-tuloy na kuwento ng actor-public servant.
Sa kuwento ng “Pieta”, gaganap na mag-ina sina Nora at Alfred habang best friend naman ni Ate Guy si Direk Gina.
Aminado naman si Alfred na ngayon pa lang ay inaatake na siya ng matinding kaba lalo pa’t isa nang National Artist ang makakatrabaho niya sa pelikula.
“100 percent nandoon yung kaba, aaminin ko. Pero yung kaba, it’s the good kind of kaba. Kasi, may halong excitement.
“And gaya ng sabi ko, pumunta ako sa bahay ni Ate Guy at kinakabahan ako nu’n. Pero you know what, once in-open niya yung pinto, she made me feel so welcome.
“Inalok niya akong kumain ng buchi, ng pizza saka pancit. Nandu’n lahat. Tapos hindi mo mararamdaman talaga na may ere dahil Superstar siya. Tama yung sabi ni Direk Gina.
“Yung humility ba. Tapos nag-usap kami ng mga pelikula niya. Tapos nalaman niya yung mga hindi ko pa napapanood.Nagpunta pa siya sa kuwarto niya para maghanap ng copy ng mga pelikula niya para mapanood ko.
“So si Ate Guy, parang she really makes me feel at home, ang sarap kasama. I look forward to this project very, very much,” sabi pa ni Alfred.
Samantala, natanong naman si Ate Guy kung ano ang unang reaksyon niya nang umakyat ng “ligaw” sa kanya si Alfred.
“Basta ang lagi kong itinatanong kay Direk Adolf, ‘Gusto ba talaga ako ni Konsehal na makasama niya sa pelikula?’ Kasi, para bang ang isang…ang talagang naramdaman ko noon, yung… syempre nahihiya ako dahil konsehal, di ba?
“Nahihiya ako na baka mamaya hindi ko magawa yung iniisip niya, o yung ini-expect niya na maipakita ko sa pelikula.
“Gusto ko kung ano yung iniisip niya kung bakit niya ako kinuha, maipapakita ko dun sa paggawa ng pelikula namin. E, yun ang isang kinatatakutan ko at nahihiya ako na baka hindi ko magampanan masyado, e.”
Parang hindi naman makapaniwala si Alfred sa sinabi ng Superstar sabay titig sa aktres. Hirit ni Nora, “Yung titig na yan, yung titig na yan, nag-uusap kami. Natakot ako sa titig niya kaya tinanggap ko. Hindi, joke!
“Biro lang! Biro lang! Talaga pong napakabait niyang kausap. Kasi, talagang hindi mo iisipin na isa siyang konsehal. Ang feeling ko noon, masyado siyang mapagkumbaba.
“At napakadaling kausap, hindi ka mahihirapang kausap. Sobrang intelihenteng tao, at maunawain din po siya.
“Madali siyang makaunawa sa mga problema ng kanyang kapwa. Kaya bilib din ako kay Konsehal sa ugali na iyan.
“Alam ni Direk iyan, Diyos ko! Di ba, Direk? Iyan po si Konsehal Alfred. Talagang ano…wala pa tayong ano, ha?! Wala pa sa ano ito, wala pang… ano yun, malayo pa ang eleksyon pero sinasabi ko!” natawang sabi pa ni Ate Guy.
“Pero totoo ang sinasabi ko. Totoo ang sinasabi ko,” ang paulit-ulit pa niyang sabi.
Ngayong buwan na magsisimula ang shooting ng “Pieta” at very soon ay ibabandera na rin nina Alfred kung sinu-sino pa ang makakasama nila sa pelikula.