Brenda Mage ibinandera ang naipundar na property, tinawag na ‘Hinaguan Farm’: ‘Pinagtrabahuan ko talaga at pinaghirapan ‘to!’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Brenda Mage
IBINANDERA ng komedyante at former “Pinoy Big Brother” housemate na si Brenda Mage sa buong univers ang kanyang naipundar na bonggang farm.
Ito raw ang katas ng kanyang mga paghihirap, pagsasakripisyo at pagsisikap sa ilang taong pagtatrabaho sa mundo ng showbiz.
Ipinakita ni Brenda o Bryan Roy Tagarao sa tunay na buhay, sa pamamagitan ng Facebook, ang nabiling property na tinawag niyang “Hinaguan.”
“Magandang Umaga mga Higala…sa tagal ng aking pag iisip kung anu ipapangalan ko sa Farm na to.. ngayon finally nakaisip na ko hahaha!” ang simulang pagbabahagi ni Brenda.
“Since ito ay mula pa sa Pangarap ko na gusto kong bilhin nung bata pa ako.. pinagtrabahuan ko talaga at pinaghirapan…ngayong nabili ko na sya at inaayos para maging Farm… i decided to name it ‘HINAGUAN.’
“Ang Hinaguan Farm ay hango sa isang salitang hago or it means pagod. Ibig sabihin sa Tagalog, pinaghirapan.
“In English, fruit of labor na kung saan lahat ng meron ako ngayon ay dahil sa pagod at hirap, dugo at pawis na inalay ko sa aking bansa. Ano raw?” ang birong chika pa ng komedyante.
Kasunod naman nito ay may pa-visual tour pa si Brenda sa kanilang farm na pinusuan at ni-like din ng sandamakmak na netizens.
Puro magagandang reaksyon naman mula sa mga FB users ang nabasa namin sa post ni Brenda.
“Hi Brenda I’m so proud of you.. you always have goal for your self and family EVERYTIME na kumikita ka. Sana lahat ng bloggers katulad mo.”
“Congratulations po Madam Brenda sa iyong HINAGUAN FARM, you are such an inspiration, pangandoy sad na nko, in God’s perfect timing. Keep on aiming high and soaring high.”
Malayo na talaga ang narating ni Brenda mula noong sumali siya sa “Ms. Q&A” ng “It’s Showtime” kung saan umabot siya bilang grand finalist.
Naging housemate rin siya sa Kapamilya reality series na “Pinoy Big Brother” noong 2021 kung saan nagtapos naman siya bilang 5th Big Placer.