Ogie Diaz sa mga batang namamalimos sa kalye: ‘Ano kaya ang ginagawa ng parents nila? Paano kung masagasaan sila?’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Ogie Diaz
IN FAIRNESS, may point din naman ang hugot ng talent manager at content creator na si Ogie Diaz tungkol sa mga batang namamalimos sa mga sasakyan sa kalsada.
Lagi palang may mga baryang nakahanda si Papa O sa kanyang sasakyan para kapag may kumatok na mga nanghihingi ng kaunting ayuda ay may maiaabot siya kahit paano.
Nagpaliwanag pa ang YouTuber kung bakit siya nagbibigay sa mga namamalimos at naglalaan pa talaga ng pera para sa mga ito.
“Lagi akong maraming coins sa kotse. Kasi nire-ready ko ‘yon para pag natatrapik, sigurado, may batang kakatok sa bintana. Isasahod ang kamay, so alam ko na kung ano’ng ibig sabihin no’n.
“Minsan, sabi ng kaibigan kong kasama ko sa kotse, “Ba’t binibigyan mo sila? Nasasanay sila. Dapat mga magulang nila ang nagbabanat ng buto, hindi sila.
“Sabi ko, ‘Hayaan mo na. Iistresin mo pa ba ang sarili mo sa ganyan? Malay mo naman, andu’n sa bahay, nag-aalaga pa ng iba nilang kapatid. O baka me iba ring hanapbuhay, nagtutulungan na lang sila?” paliwanag ni Ogie.
Actually, napapaisip din daw siya kung minsan tungkol sa mga batang namamalimos sa kalye, “Yan din ang tanong sa isip ko, ‘Ano nga kaya ang ginagawa ng parents ng mga batang ito? Bakit sila hinahayaan sa kalye? Paano kung masagasaan sila?
“Kung lahat ng ‘yon, iisipin ko pa, eh di dagdag stress pa sa akin. Kaya binibigyan ko na lang sila.
“‘Bigay ka nang bigay, namimihasa ang mga ‘yan,’ sabi pa ng friend ko.
“Hayaan mo na. At least, nanghihingi, hindi nagnanakaw. Parang snatcher o mandurukot lang ‘yan, eh.
“Pag nadukutan ka, naholdap ka, naagawan ka ng importanteng gamit mo, ano sasabihin mo? — ‘Sana, nanghingi na lang, hindi na lang sana gumawa pa ng masama.’ So alin ang mas gusto mo? Hingan ka o holdapin ka?” paliwanag pa ni Papa O.
Feeling pa raw niya, “Parang andu’n ka na sa point na choosing the lesser evil, ‘ika nga. Imagine, ‘yung baryang ibibigay mo kapalit ng peace of mind mo?
“Isipin mo na lang, hindi ikaw ‘yung nasa posisyon ng bata. Pero kung marami kang masyadong time at kayang i-accomodate ng mental health mo ang pagkukuwestiyon sa existence ng mga batang namamalimos, eh di go.
“Kanya-kanya namang pakikipag-deal yan sa anumang kinakaharap mong sitwasyon, eh.
“Meron pa nga akong isang kaibigan, pagkatapos kong bigyan ng pera ‘yung namamalimos sa trapik, sabi, “Bakit mo nilimusan? Don’t give them fish, teach them how to fish!’
“Sabi ko, ‘Potah ka! Maggi-green light na, wala na akong time magturo!'”