Kandidata ng Miss FIT PH pageant may nais makamit maliban sa korona | Bandera

Kandidata ng Miss FIT PH pageant may nais makamit maliban sa korona

Armin P. Adina - January 30, 2023 - 03:23 PM

Tarah Limjap

Tarah Limjap/ARMIN P. ADINA

NANG ipakilala ng Miss FIT (Face, Intelligence, Tone) Philippines pageant ang mga kandidatang nagtatagisan sa ikatlong edisyon nito, isang kalahok ang kapansin-pansin—si Tarah Limjap mula General Santos City.

Bihirang makita sa mga patimpalak sa bansa ang mga kandidatang tulad niya, isang matangkad na dilag na may maitim na kutis, at may malagong kulot na buhok. Hindi ka magmimintis na makita siya sa hanay ng mga binibining may maputing balat at may mahaba at tuwid na buhok sa press presentation sa Palazzo Verde sa Las Piñas City noong Enero 26.

At nang rumampa na siyang mag-isa, makikita sa maindayog niyang pagkembot at malakas na dating sa entablado na mayroon nga siyang maihahandog maliban sa panlabas niyang kaanyuan. Lumalabas pang may inaasinta siyang makamit maliban sa pinakaaasam na korona.

Reigning Miss FIT Philippines Yllana Marie Aduana

Reigning Miss FIT Philippines Yllana Marie Aduana/ARMIN P. ADINA

“I want to be a testament to all the young girls out there with hair and skin like mine, it is possible for us to join pageants like this, and to be confidently beautiful,” tugon ni Limjap nang tanungin ng Inquirer kung ano ang nais niyang mangyari sa kaniyang pagsali.

Sinabi niyang sumali siya sa Miss FIT Philippines pageant sapagkat nais niyang tanggapin siya ng tao kung sino siya. “I grew up in a society where people like me are bullied and discriminated [against],” ibinahagi ni Limjap.

Ayon sa organizer na ProMedia, nais ng patimpalak na isulong ang “wholistic beauty” sa pamamagitan ng “overall wellness.” Sinabi pa ni CEO Paul Izon Reyes sa press presentation, “we hone you to become fit to be a queen.”

Ito ang ikalawang pisikal na pagtatanghal ng patimpalak makaraan ang unang virtual na edisyon noong 2020 sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Ang pageant veteran na si Malka Shaver ang nakasungkit sa korona noong taong iyon. Noong 2021, si Yllana Marie Aduana ang kinoronahang Miss FIT Philippines.

Naunang itinakda ang eidsyon ng 2022 sa huling kwarter ng nagdaang taon, ngunit nagpasya ang ProMedia na ilipat ito ngayong Enero. Kokoronahan ni Aduana ang tagapagmana niya sa pagtatapos ng grand coronation night sa Palazzo Verde sa Enero 31.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending