Di dapat tulutan ng hari ang gawang kasamaan. Pagkat ang tatag ng pamamahala ay nasa katarungan. —Kawikaan 16:12
NAKAPAGTATAKA, o nagkataon lang(?), na ang Ebanghelyo noong Okt. 4, ang araw ng pagsasagawa sa ikalawang Million People March sa Makati, ay may temang “Dahil sa ngalan mo, Poon, iligtas mo kami ngayon;” at ang Ebanghelyo noong Okt. 5, “Diringgin ng Maykapal ang may mga kailangan.”
Nakapaninindig-balahibong balikan ang nangyari kay Ferdinand Marcos, sa huling mga buwan nito sa tronong isinulat niyang kailanman ay di lilisanin, dahil muling nagkabisa sa banal na pakikialam (divine intervention) ang mga talata ng Korinto 2.
Ang Diyos ay nakamasid nga sa Pilipinas. Ang Diyos ay matagal nang binabantayan ang Pilipinas. Sa Kawikaan 16:12, bakit pinapayagan at sinasadyang pinalalagpas ng liderato ng gobyerno ang talamak at araw-araw na pagnanakaw ng buwis sa Bureau of Customs gayung napakasakit na ang pasaring dito noong State of the Nation Address (“saan sila humuhugot ng kapal ng mukha…”)?
Itong magnanakaw na mga kongresista’t senador naman ay nagpalakpakan pa at di man lamang nakonsensiya sa sagad-butong patama ng Ikalawang Aquino; na sa susunod na mga buwan pala’y sila naman ang walang mukhang maihaharap sa arawang obrero at taumbayan, maliban na lamang sa makakapal ang mukha at singkapal ng baboy ang balat at sanay na sa labangan ng pambababoy sa mahihirap.
Sa rally sa Makati, nakapanlulumo’t nakagagalit ang sinabi ni Raymond Palatino, ng ScrapThePork Alliance: “Every pay day, almost 15%-25% painful cut in the hard-earned salary of employees and workers, which are taxes that are supposed to be provided for social services and education of the people.
The funds should be used by the government for the upliftment of the condition of the Filipino people. We will not sit back amidst this evident corruption and plunder of people’s money.”
Sa maliit na kinikita ng arawang obrero, na P400 lamang, sinusuong ng mga ito ang peligro na mahoholdap sila sa kalye, araw at gabi.
Sa maliit na kikitain ay handa na silang masaksak o mabaril, kritikal na masugatan o mamatay, para lamang may makain bukas ang kanilang pamilya.
Kumpara sa ninanakaw ng mga kongresista’t senador, maliit lang naman ang kinakaltas sa obrero, pero ito’y pamasahe na sa isang linggo at pandagdag sa pambili ng sardinas o mumurahin at napakaliit na corn beef sa agahan para naman alisin ang umay ng tuyo’t kamatis, o tuyo na lang.
Minamaliit ng mga estudyante sa Malacanang ang mga protesta kontra pork barrel (na ang pinakamalaki ay nakalaan sa pangulo at wala nang iba) at nakaiinsulto pang idinadagdag na “kaisa namin kayo kontra katiwalian.”
Ha!? Bilyones na nga ang araw-araw na katiwalian sa Customs kaisa pa kayo sa paglaban sa pagnanakaw sa kaban bayan? Muli, mahirap na namang ipaliwanag iyan sa dakilang pitong lasing sa Batangas dahil iyan ay mas malabo pa sa sabaw ng pusit.
Wala na raw PDAF pero meron namang DAP at iyan ay pilit na ipinaliliwanag ng Malacanang na hindi pork barrel. “That (DAP) is also a pork barrel which is being used by the governmeny to bribe lawmakers to support them,” ani Broderick Pabillo, Manila auxiliary bishop, na kumnatawan sa Catholic Bishops Conference of the Philippines sa rally sa Makati.
Mas masasakit na ang binitiwang mga talumpati sa Makati kesa Luneta at ang pangungutyang idinadaan sa mga awit ay, muli, sagad-buto na.
Kaya ba kinabukasan ay nakalathala sa ilang pahayagan ang sinabi ni Budget Secretary Florencio Abad na hindi na makakukuha ng karagdagang DAP ang mga mambabatas?
Bakit ba patuloy na iginigiit na kailangang bigyan ng milyones ang mga mambabatas gayung ang trabaho nila ay bumalangkas ng mga batas? Bakit susuweldohan ng milyones ang karpintero?
Aha! Ayon kay Abad, ang DAP ay gagamitin para muling makabangon ang Zamboanga City at tulungan ang mga biktima ng bagyong Pablo sa Mindanao. Teka, isa-isa lang.
Ang nangyari sa Zamboanga City ay hindi sana naganap kung ginamit dito ang intelligence fund (para sa mga Zamboangeno, walang fund at wala ring intelligence kaya’t maluwag na nakapasok ang nanggulo.
Kaya naman tumagal ang gulo, wala namang pruweba sa pagpigil ng gulo sina Aquino at Interior Secretary Mar Roxas, ang naghahangad, na naman, ng pagka-pangulo).
Tulong para sa mga biktima ng bagyong Pablo? Aba’y matagal nang lumayas si Pablo at naglalakad na nga ang batang isinilang sa kasagsagan ng bagyong Pablo.
Di ba’t nilusob ng gutom na taumbayan ang bodega ng Department of Social Welfare and Development para kunin lamang ang bigas na nakalaan sa kanila pero hindi ipinamamahagi ng gobyerno?
Sa pahayag ni Abad, inamin nito na hindi binigyan ng tulong ang biktima ng bagyo, malinaw iyan at madaling maintindihan iyan ng mahihirap.
Masdan ang kabobohan ng gobyerno sa pagtugon sa gulo sa Zamboanga City. Ayon sa United Nations, may humanitarian crisis na sa lungsod.
Hindi na ito kayang tugunan ng gobyerno. Magdasal tayo sa kapistahan sa Sabado ni Nuestra Senora Del Pilar, ang patron ng Zamboanga City.
Ang maliit na halaga buhat sa mabuting paraan ay higit na mabuti sa yamang buhat sa kasamaan. —Kawikaan 16:8
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.