MAHIGIT isang taon na mula nang nasungkit ni Yllana Aduana ang titulo bilang Miss FIT (Face, Intelligence, Tone) Philippines, at napili na ang mga dilag na magtatagisan upang maging tagapagmana ng korona niya.
Nakita na ng reigning queen ang 28 opisyal na kandidata ng 2022 Miss FIT Philippines pageant sa press presentation na isinagawa sa Palazzo Verde sa Las Piñas City noong Enero 26, kung saan isa-isang nagpakilala ang mga kalahok, at rumampa suot ang athleisure wear at two-piece swimsuit.
Naunang itinakda ng organizer na ProMedia ang patimpalak sa huling kwarter ng 2022, ngunit inilipat ito ngayong Enero. May isa pang edisyon para sa 2023 na nakatakda bago magtapos ang taon.
Ito na ang ikatlong edisyon ng patimpalak na nagsusulong sa wholistic fitness sa kababaihan. Inilunsad ito sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic at naunang isinagawa virtually noong 2020. Ang pageant veteran na si Malka Shaver ang nag-uwi ng korona nang taong iyon.
Isinagawa ang unang pisikal na pagtatanghal nito noong 2021, kung saan iginawad ang korona kay Aduana, na isang runner-up sa Miss Philippines Earth pageant.
Sunod naman siyang sumabak sa Binibining Pilipinas pageant, suportado ng ProMedia. Nagtapos siya sa Top 12, at hinirang din bilang “Face of Binibini” (Miss Photogenic).
Sinabi ni ProMedia CEO Paul Izon Reyes sa press presentation, “we hone you to become fit to be a queen,” kinilala ang halaga ng pagpapanatili sa isang “fit body,” na may “fit mind,” habang nagsisikap para sa “pageant fitness,” o pagiging handa sa mahahalagang aspeto ng pageantry tulad ng “pasarela” (pageant walk) at question-and-answer round.
Pinagbotohan din ng mga kawani ng midya na dumalo sa press presentation ang kanilang mga paborito mula sa hanay ng mga kalahok. Nalikom ni Aliya Rohilia mula Albay ang pinakamaraming boto bilang “Press Favorite,” habang pumangalawa naman si Jackelaine Fleming mula Calbayog City. Si MJ Oblea mula San Pablo City ang nakakuha ng pangatlong pinakamaraming boto.
Itatanghal ang coronation show ng 2022 Miss FIT Philippines pageant sa Palazzo Verde sa Enero 31. Hindi ipadadala sa isang pandaigdigang patimpalak ang magwawagi, ngunit sinusuportahan naman ng ProMedia ang pagsabak ng mga reyna nila sa mga malalaking patimpalak.
Kabilang sa “beauty athletes” ng ProMedia ang reigning queens ng iba’t ibang patimpalak, sina Bb. Pilipinas Globe Chelsea Fernandez, Mutya ng Pilipinas Iona Gibbs, at Miss World Philippines Gwendolyne Fourniol.
Related Chika:
Miss Bikini PH, Miss FIT PH live na ngayong taon
Miss Universe PH 2022 Celeste Cortesi nahihiyang umamin noon na nagtrabaho bilang cashier, pero…
Miss Grand PH pageant tumatanggap na ng mga aplikante para sa finals sa Marso