Coco sa tinatamasang tagumpay: Ang naging puhunan ko lakas ng loob saka konting kapal ng mukha
ITINUTURING ni Coco Martin ang yumaong si Susan Roces bilang tunay niyang pamilya, at ibinahagi pa niya ang ilang masasayang alaala at payo na nakuha niya noong nagkakasama at nagkakatrabaho pa sila.
“Huwag mahihiyang magtanong,” paalala noon ng yumaong reyna ng pelikulang Pilipino. At ibinahagi ng aktor-direktor-prodyuser na hindi niya maabot ang kaniyang narating sa industriya kung hindi siya nagtanong.
“Ang haba ng journey na pinagdaanan ko sa buhay. Kumbaga, maraming tao na kinailangan at nilapitan para marating ko kung nasaan man ako ngayon. Noong pinasok ko naman ang mundong ito wala akong kaaalam-alam tungkol sa show business, sa trabahong ito. Lagi ko siyang nakakaharap, kapag kailangan ko, may gusto akong matutunan na isang bagay, lalo na in terms sa pag-arte, sa pag-direk, sa lahat ng aspeto,” ibinahagi ni Martin sa isang appreciation lunch na isinagawa ng RiteMed sa Luxent Hotel sa Quezon City noong Enero 23.
“Ang naging puhunan ko ang lakas ng loob ko, tsaka konting kapal ng mukha, tsaka pagiging matiyaga. Kasi noong sumabak ako sa mundong ito wala akong idea, as in zero, talagang wala akong alam. Pero dahan-dahan, sa pagtatanong ko, natutunan ko siya nang dahan dahan,” pagpapatuloy pa niya.
Tila ipinagpapatuloy din ni Martin ang sinimulan ni Roces sa kumpanya, at ibinahagi niyang naramdaman niyang tila ipinamana ito sa kanya ng maybahay ng yumaong hari ng pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr. Nangungulila rin umano siya sa pagkawala ng aktres.
Ibinahagi niya ang pagiging mapagbigay ni Roces, na laging nagdadala ng pagkain para sa lahat. “Napaka-generous po talaga ni Tita Suan, hindi lang pang-artista, lahat po ng staff and crew, lahat po kami kumakain. Ang sasakyan niya puro pagkain. Kaya sobrang nakaka-miss po ang presence niya. Siya iyong pinakamalakas tumawa. Masayahin po talaga siyang tao eh, pero kapag oras na ng trabaho si Tita Susan naman ang pinakaseryosong tao,” ani Martin.
Samantala, isa pang kapamilya ni Poe ang makakatrabaho niya, ang award-winning actress na si Lovi Poe. Magtatambal ang dalawa sa muling pagsasabuhay ng isa pa sa pinakatumatak na proyekto ng yumaong hari ng pelikulang Pilipino, ang “Batang Quiapo.”
“Noong nasa GMA siya isa na ako sa nakakita ng talent niya. Hindi ko nga ine-expect na lilipat siya ng [ABS-CBN]. Kaya noong lumipat siya sa, sinabi ko sana makatrabaho ko,” ani Martin.
Ikinatuwa rin niyang tila tumugma ang pagkakataon para sa bagong proyekto, sapagkat tapos na ang trabaho ni Poe sa “Flower of Evil” nang kinailangan nila siya para sa “Batang Quiapo.”
Nangako si Martin na magiging iba ang “Batang Quiapo” sa “Ang Probinsyano” na tumakbo nang pitong taon. “Sobra akong proud kasi ibang-iba iyong treatment, iyong camera works, iba lahat. Sabi ko nga kailangan nating makipagsabayan sa international. Ito na ang tamang panahon na i-upgrade natin iyong ginagawa natin,” aniya.
Mapapanood ang unang trailer ng “Batang Quiapo” sa Enero 27 sa oras ng palabas ng “Darna” sa primetime bloc.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.