Mala-fairytale wedding nina Glaiza de Castro at David Rainey sa Pinas star-studded, mga BFF sa showbiz nagsilbing bridesmaid
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Glaiza de Castro at David Rainey (Photo from NicePrint Photo)
STAR-STUDDED ang second wedding ng Kapuso actress na si Glaiza de Castro at ng kanyang Irish husband na si David Rainey.
Naganap ang ikalawang kasal nina Glaiza at David sa Sundowners Beach Villas sa Botolan, Zambales kahapon, January 23 na dinaluhan ng kanilang pamilya at malalapit na kaibigan.
Unang nagpakasal ang mag-asawa sa isang intimate ceremony sa Northern Ireland noong October, 2021.
Talagang plano na ng married couple na magkaroon ng second wedding sa Pilipinas dahil hindi nga naka-attend ang pamilya ng aktres sa kanyang Ireland wedding.
Base sa mga litrato na in-upload ng Sparkle GMA Artist Center sa Instagram, napakaraming celebrities ang dumalo sa kasal nina Glaiza at David.
“What a star-studded wedding Here’s who we spotted at Glaiza de Castro and David Rainey’s dreamy wedding today in Zambales!
“Glaiza de Castro and David Rainey’s beautiful fairytale wedding is enough to make us fall even more in love with them,” ang nakalagay sa caption ng IG post ng Sparkle.
In fairness, nagmukhang-dyosa si Glaiza sa suot niyang modern Filipiniana-inspired wedding gown na ginawa ng sikat na fashion designer na si Jo Rubio.
Parehong may flower embroidery ang bustier top at butterfly sleeves ni Glaiza habang ang “tulle fabric” na tumatakip sa bandang ibaba ng kanyang katawan ay nagbibigay ng ilusyon ng isang two-piece gown na may thigh-high slit.
Kabilang sa mga nagsilbing ninong at ninang sa kasal ay ang TV host na si Willie Revillame at ang GMA executive na si Annette Gozon-Valdes.
Naroon din si Angelica Panganiban na naging Maid of Honor, at sina Alessandra de Rossi, Isabel Oli-Prats, Chynna Ortaleza, Rochelle Pangilinan at Sheena Halili na nagsilbing bridesmaids.
Um-attend din ang asawa ni Chynna na si Kean Cipriano, Maxene Magalona, pati na ang mga kasamahan ni Glaiza sa “Running Man PH” na sina Ruru Madrid kasama ang dyowang si Bianca Umali, Kokoy de Santos, Lexi Gonzales, Mikael Daez, Angel Guardian at Buboy Villar.
Present din si Gabby Eigenmann withsl wife Apples Arizabal-Eigemann, Ketchup Eusebio at marami pang iba.
Bago ang ikalawang wedding ni Glaiza ay nag-organize pa ng bonggang bridal shower si Angelica para sa kanyang BFF na dinaluhan din ng kanilang mga kaibigan.