PURING-PURI ng mga veteran comedian na sina Janno Gibbs at Anjo Yllana ang direktor ng kanilang reunion movie na si Xian Lim.
Ito ang unang pagkakataon na naidirek sina Janno at Anjo ng isang baguhang filmmaker at hindi raw nagkamali ang Viva Films na si Xian ang kinuha para sa pelikula nilang “Hello, Universe.”
“I’m friends with Xian but it’s my first time being directed by Xian. Siya rin ang nagsulat nitong Hello, Universe, so he’s really the captain of the ship.
“He knows what he’s doing. Impressive ang shooting namin, the shots, the story, the screenplay. Kaya naman tuloy lang kami kahit na mahirap, marami kaming eksena sa bawat araw because we know what we’re doing is a nice film and that’s because of Xian,” pagbabahagi ni Janno sa naganap na presscon ng “Hello, Universe” kamakailan.
Sey naman ni Anjo, “Si Direk sa experience ko, very talented siya. Marami siyang ideas, bago, mga hindi ko pa nakikita noon. And siguro, isang katangian ni Direk na gustung-gusto namin, kahit gaano kagaling si Direk kahit siya yung nagsulat, siya yung nagdirek, alam niya yung ginagawa niya pero pag nag-suggest kami tatanggapin niya.
“So, nakakatuwa kasi kahit kaya niya naman mag-isang gawin yon nagkakaroon pa lalo kami ng camaraderie sa shooting. And I know, in the future, talagang marami pang gagawing pelikula si Direk na mas magaganda pang pelikula,” aniya pa patungkol sa boyfriend ni Kim Chiu.
Bumilib din kay Direk Xian ang sexy star at content creator na si Sunshine Guimary, na isa rin sa cast members ng “Hello, Universe”.
“For me, napakasarap magkaoon ng direktor na at the same time aktor din. Kasi ramdam niya ang bawat isa kasi ramdam niya yung pagod ng mga artista kaya masarap magkaroon ng director na actor dahil nararamdaman niya ang bawat isa,” sabi ng dalaga.
Reaksyon naman ni Xian sa magagandang sinabi ng kanyang mga artista sa “Hello, Universe,” “Napakasarap sa pakiramdam na sila po yung nakasama ko sa pelikulang ito. It’s because very collaborative po yung environment namin and everyone was willing to give their 100 percent.
“Walang nag-hold back. Kumbaga, lahat willing na, ‘Okay, mapapagod kami dito, mapupuyat kami, may chance na magkasakit kami dito, but we will give it our all, we will improve doon sa nakasulat sa script and we will just have fun along the way.’
“Yun lang naman po talaga yung naging rule sa buong pag-shoot, to have fun and if you’re not having fun you’re doing it wrong.
“And it was such a plus na idol na idol ko sina Kuya Janno, Anjo Yllana. Bata pa lang po ako pinapanood ko na po sila. Kaya po ako nagkaganito dahil sa kanila, eh,” ang natatawang biro ni Xian.
Tungkol naman sa kuwento ng pelikula, sey ni Anjo, “Hopefully, yung mga millennials ngayon na hindi tayo napapanood dati, sila ang target namin. And at the same time yung mga dati ng natutuwa sa samahan namin nung araw.”
Hirit ni Janno, “Ako naman, it’s the nostalgia of seeing us together again for our generation. And sa mga younger generation naman, sa kanila bago yung ginagawa namin, eh. Ngayon lang nila nakikita yung, ‘Ay, may ganito palang comedy.’
“Kasi sanay sila sa comedy nila. So, this is new for them. Plus in this movie iba naman ang… usually magkapatid kami na… this time medyo kakaiba tapos may drama pa ng konti sa dulo. This is slight different from before,” dagdag pa niya.
Showing na ang “Hello, Universe” sa mga sinehan sa January 25, 2023. Kasama rin dito sina Maui Taylor, Gene Padilla at marami pang iba.