Trina Candaza diretsahang tinanong si Carlo Aquino: ‘Mahal mo pa ba ‘ko?’
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Trina Candaza at Carlo Aquino
KARUGTONG ito ng naisulat namin tungkol sa dating magkarelasyon na sina Carlo Aquino at Trina Candaza na usap-usapan pa rin ngayon ng mga Marites sa social media.
Sa panayam ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz, inilabas ni Trina ang kanyang saloobin sa mga naging pahayag ni Carlo hinggil sa sustento nito sa kanilang anak at sa hindi umano niya pagpapahiram kay Baby Mithi sa aktor.
Nilinaw ni Trina na nagtatrabaho rin siya para sa anak at hindi niya iniaasa lahat kay Carlo at wala rin daw katotohanan na pati siya ay sinusustentuhan ng aktor.
Naalala namin sa aming panayam na sinabi ni Carlo noong Marso 30, 2022 na hiwalay na sila ni Trina at hindi niya alam na may ganu’ng klaseng pagmamahal pa pala siyang mararamdaman bilang ama na hindi niya alam dahil nanggaling ito sa semilya niya.
Nabanggit din ng aktor na ang pinagtatrabahuan niya ay hindi na para sa sarili niya kundi para sa anak na niya. At sa sandaling kausap namin siya ay inaming wala siyang dine-date at inaalagaan niya ang present at higit sa lahat, “Always, always parati naman, nanay siya ng anak ko,” ang sagot ni Carlo nang tanungin namin kung mahal pa niya si Trina.
At dahil ilang buwan na ang nakararaan ay nabago na ito dahil may ibang babaeng nagpapasaya na ngayon sa aktor.
Sa tanong ni Ogie kay Trina na in between taping ni Carlo ay totoo ba ang mga kutob ni Trina na may nabago na hindi naman dating ganu’n ang aktor sa kanila ng anak.
“Of course, Mama Ogs. Oo sinabi ko (kay Carlo) kasi gusto kong mag-work (relasyon nila), so, kailangan kong i-address ang issue namin. Gusto kong i-work out ‘yung relationship, but to be honest hindi na-resolve ‘yung mga issues.
“Tuloy na lang kung gusto kong buong pamilya. Kailangang ituloy lang I tried naman pero hindi ko na kaya kasi mararamdaman mo kung may pain,” say pa ni Trina.
Nabanggit din na pagkasilang palang niya kay Mithi ay nagsimula na ang problema nila ni Carlo pero in fairness kay Trina ay hindi niya binanggit kung ano ang naging dahilan ng paghihiwalay nila ng tatay ng anak niya.
“It’s a very easy question Mama Ogs pero knowing na puwede itong mapanood ni Mithi, I’d rather not to answer the question na lang,” pakiusap ni Trina kay Ogie.
Dito namin hinangaan ang ex-partner ni Carlo dahil isinaalang-alang niya ang mararamdaman ng anak sa kanyang ama sa oras na mapanood niya ang video na iyon Pero hirit ni Trina, “I think, everybody knows it.”
Samantala, ang binabanggit ni Carlo na hindi niya nakita ang anak ay nitong nakaraang holiday season dahil hindi naman niya pinuntahan si Mithi.
“Wala akong sinabi nu’ng holidays pero he knows kung nasaan kami Mama Ogs and he knows na very welcome siya do’n sa bahay kung saan kami nag-Christmas.
“I didn’t invite him pero ‘yung partner ng sister ko in-invite siya sa bahay, so, for me it’s his choice kung gusto ba niyang makasama talaga ‘yung anak niya. Puwede siyang pumunta ro’n para makasama si Mithi.
“Pero he chose na doon mag-stay sa bahay nila and spent his Christmas with his new girlfriend or girl with his family which is okay lang naman kung ‘yun ang gusto niya. But the problem is, he posted it na hindi ko pinapahiram.
“And also addition Mama Ogs, sinend ko rin sa kanya ang schedule ng school ng anak ko kahit hindi niya hinihingi, so, puwede niyang puntahan ‘yung anak niya sa school anytime binilin ko na rin sa teacher,” pagtatapat ni Trina.
Inamin ding sinikap pa rin ni Trina na ayusin ito lalo’t noong Valentine’s Day last year ay binigyan siya ng bouquet of flowers ni Carlo at ang anak nila.
“Sa akin kasi ‘yung pinakamalaking bouquet, binigyan lang ba niya ako dahil nanay ako ng anak niya or dahil special ba ako or what.
“So tinanong ko siya that time sabi ko, ‘bakit mo ako binigyan ng bulaklak.’ Sabi niya gusto raw niyang bigyan ‘yung mga mahal niya sa buhay. So, tinanong ko, ‘mahal mo pa ba ako? Ayaw mo na ba kami ibalik?’ Walang sagot,” pag-amin ni Trina kay Ogie.
Nagulat din ang host na hindi ito sinagot ng aktor, “Sagot na ‘yun amama Ogs (ayaw na ni Carlo),” sambit ni Trina.
Sabi naman ni Ogie, “At least hindi ka nagkulang, nag-try ka pa rin.”
Sa kasalukuyan ay inamin ni Trina na naka-focus siya sa pagpapalaki ng anak dahil hindi rin niya kayang magpapasok ng ibang tao sa buhay nila ngayon.
Pero kapag dumating ang time na may manligaw sa kanya ay hindi naman niya isinasara ang puso, “Ipinagdarasal ko ‘yun mama Ogs. Sabi ko na kung hindi para sa akin ‘yung lalaki, ‘wag ko nang ma-meet. ‘Wag nang mapunta sa buhay ko kasi ayoko na ng heartbreak?
“Okay na ‘yun. Kaya sabi ko kung may dadating na lalaki, sana ‘yun na siya. Ayaw ko na nang magpapalit-palit or kumilala ng panibagong tao,” nakangiting sabi ni Trina pero nangingilid ang mga luha.
Sa tanong ni Ogie kung mahal pa niya si Carlo, “Gusto kong maging honest Mama Ogs kasi hindi naman ako ganito kung wala (na) talaga, eh. Of course meron pa kasi daddy siya ng anak ko.”
Umaasa pa rin ba si Trina kahit mahigit isang taong hiwalay na sila ng aktor? “Kung tinitingnan ko si Mithi siyempre sino bang nanay ang ayaw bigyan ng buong pamilya ‘yung anak niya, di ba mama Ogs? Pero kung iisipin ko ‘yung naging relasyon namin ni Carlo no’n parang hindi na rin magwo-work kung sakali man.”
Walang reaksyong ibinigay si Trina sa tanong ni Ogie sa sinabi ni Carlo na positivity ang dala ng bagong girl sa buhay ngayon ng aktor.
“Wala ako sa posisyon para magsalita about that kasi it’s their relationship. Siguro puwede lang ako makapagbigay ng opinyon kapag naging magiging nanay or step mom na siya ni Mithi kasi sa batas kapag nagpakasal na di ba?” aniya.
At ang mensahe nito kay Carlo, “Kung gusto niyang makipag-usap (tungkol) kay Mithi open ako, kausapin niya ako pero sana bukas ang isip niya kung makikipag-usap siya sa akin. Sana intindihin din niya ‘yung situation na kasi siyempre ako ‘yung nasa bahay, ako ‘yung kasama ni Mithi. Ako ‘yung mas nakakaalam sa ikabubuti ng anak ko.”
Hiningan ng mensahe ni Ogie si Trina para sa anak na kapag napanood ang one-on-one interview niyang ito ay ipagmamalaki siya ng bagets.
Naging emosyonal na naman si Trina, “If ever na mapanood niya ito sana maintindihan niya itong interview na ito and sana ma-appreciate ni Mithi ‘yung efforts ko (panay ang punas ng luha) para mabigyan siya ng magandang future saka ‘yung pag-protekta ko sa kanya.”
Bukas ang BANDERA sa panig ni Carlo Aquino o ng sinuman sa kampo niya.