27 patay, 11 sugatan sa patuloy na pag-ulan; PAGASA wala pa ring inaasahang bagyo sa bansa

27 patay, 11 sugatan sa patuloy na pag-ulan; PAGASA wala pa ring inaasahang bagyo sa bansa

PHOTO: Facebook/Dost_pagasa

UMAKYAT na sa 27 ang patay at 11 naman ang sugatan dahil sa nararanasang pag-ulan sa bansa.

Ayon sa report na inilabas ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) nitong January 15, karamihan sa mga namatay ay nagmula sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at BARMM.

Bukod diyan, naitala rin ng NDRRMC ang tatlong pang patuloy na pinaghahanap o missing persons.

Nasa 151,365 na pamilya na rin ang apektado ng patuloy na ulan at mahigit 31,500 na riyan ang inilikas sa ilang evacuation centers.

Sa kasalukuyan, isang Low Pressure Area (LPA) ang binabantayang maigi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ngunit ayon naman sa press briefing ng weather bureau ngayong January 15 ay hindi naman ito inaasahang magiging bagyo.

Sey ni Weather Specialist Grace Castañeda, “Kaninang alas tres, ‘yung low pressure area na mino-monitor natin ay huling namataan sa layong 125 kilometers silangan ng Maasin City, Southern Leyte.”

“Nananatiling mababa ‘yung tsansa nito na maging bagyo ngunit patuloy pa rin itong magdudulot ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao. So mag-ingat pa rin po para sa ating mga kababayan,” aniya.

Nag-abiso din ang PAGASA na may nakataas na Gale Warning o babala ng matataas na alon sa bahagi ng Luzon.

Kabilang na raw diyan ang Batanes, Cagayan kasama na ang Babuyan Islands, pati na rin ang Northern coast ng Ilocos Norte.

“Dahil sa muling paglakas ng Amihan ay may nakataas na Gale Warning sa northern at eastern seaboards,” sey ng weather specialist.

Dagdag pa niya, “hindi muna natin pinapayagang pumalaot ‘yung mga kababayan nating mangingisda pati na rin ‘yung mga maliliit na sasakyang pandagat.”

Read more:

NDRRMC: 6 nawawala sa Eastern Visayas dahil sa patuloy na pag-ulan

Read more...