Bandera Editorial: Tiis muna, ano pa nga ba | Bandera

Bandera Editorial: Tiis muna, ano pa nga ba

- June 15, 2010 - 02:49 PM

Bandera Editorial

UMAPELA si President-elect Benigno Aquino III sa taumbayan na magtiis muna dahil hindi masosolusyunan ang problema ng bansa sa isang iglap.
Ano pa nga ba ang ginagawa ng taumbayan.  Magtiis.  Tila narinig na ng taumbayan ang ganyang pakiusap.  Sinabi na rin yan ng yumaong Pangulong Corazon Aquino nang iluklok siya ng Aguinaldo at Crame bilang pangulo.  Alam niyang umaasa ang taumbayan ng ginhawa, sa wakas, pagkatapos lagutin, sa tulong ng militar at hindi ng komunistang rebelde at yumayamang mga lider nito, ang tanikala ng kahirapan at kaapihan ng diktadurya.  Hindi lang taumbayan ang nakahinga nang maluwag noon kundi pati ang malalaking mamumuhunan na natakot sumugal sa panahon ni Marcos sa pangamba ng tiyak na pagkalugi.
Sinabi ni Aquino na aalamin pa niya at ng kanyang Gabinete ang tunay na ugat ng problema upang mabigyan ito ng solusyon at lunas.  Hindi niya binanggit, o iniwasan, ito noong panahon ng kampanya.  Ang kanyang mga binitiwang salita’t pangako ay malinaw: dadalhin ang bansa sa tamaan daan, sa tatahaking di baluktot.  Pero, aalamin pa nga ang tunay na ugat ng problema upang mabigyan ito ng solusyon at lunas.
“I wish I can do it tomorrow, but I think we cannot solve our country’s problems overnight,” pag-amin ni Aquino.
Hindi lang pagtitiis ang kailangang gawin ng naghihirap na taumbayan (nang dahil sa korapsyon, aniya noon).  Matagal nang marunong magtiis ang taumbayan.  Sa tagal ay natuto nang magtiis ang taumbayan.  At ang Pinoy ang pinakamagaling na lipi ngayon sa buong mundo na magaling magtiis.
Magtitiis ang mahihirap, ang mga walang trabaho, ang mga kaminero at arawang obrero, ang mga kawani ng gobyerno, ang mga sundalo, ang lahat alang-alang kay Aquino.  Dahil sa pagtitiis at pamamaluktot sa kumot na maigsi ay may pangakong ginhawa balang araw.
Kung nakapagtiis ang taumbayan sa katiwalian sa nakalipas na administrasyon, ibibigay pa rin nila ang pagtitiis kay Aquino alang-alang sa magandang kinabukasan na kanyang ipinangako habang tinatahak ang tuwid na landas.
Sana nga.

Bandera, Philippine News, 061510

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending