Anak nina Tonton at Glydel kamukhang-kamukha ni Liza Lorena; sumabak na rin sa pag-aartista, pero…
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Liza Lorena, Aneeza Gutierrez at Joaquin Domagoso
KAMUKHANG-KAMUKHA ni Liza Lorena ang kanyang apong si Aneeza Gutierrez, ang panganay na anak nina Tonton at Glydel Mercado na nag-aartista na rin ngayon.
Nakachikahan namin ang dalaga sa presscon ng kauna-unahan niyang pelikula, ang “That Boy In The Dark” na pinagbibidahan ng award-winning actor na si Joaquin Domagoso.
Unang kita pa lang namin sa kanya at ng ilan pang miyembro ng entertainment media ay napansin na namin ang malaking pagkakahawig nila ng kanyang lola Liza na nanay ni Tonton.
Kasama rin sa “That Boy In The Dark” na idinirek ni Adolf Alix, Jr. ang nanay ni Aneeza na si Glydel, with Kiko Ipapo and Lotlot de Leon.
Umuwi ng Pilipinas si Aneeza para makasama ang kanyang pamilya nitong holiday season at para makasama na rin sa promo ng “That Boy In The Dark” na showing na sa darating na January 8.
Anytime soon ay babalik na rin siya sa Singapore dahil doon nga siya nag-aaral at meron din daw siyang part-time job sa SG sa isang Japanese restaurant.
Kaya sabi ni Aneeza, baka raw matagalan pa bago siya uli makagawa ng pelikula sa Pilipinas. Priority pa rin daw kasi niya ang makatapos ng pag-aaral sa ibang bansa.
Kuwento naman ni Glydel, nagdalawang-isip pa raw ang anak nang ialok sa kanya na maging bahagi ng “That Boy In The Dark.” Pero nang mabasa ng bagets ang script ay biglang nagbago ang kanyang desisyon.
“Nu’ng first time na in-offer ni Daddie Wowie (Roxas, producer ng That Boy In The Dark at manager ni Joaquin) kay Aneeza yung karakter ni Ellie sa That Boy In The Dark, ayaw niya talaga.
“Sabi niya, ayaw raw niyang maging artista kasi nahihiya raw siya. So sabi ko sa kanya, ‘Sige, kung ayaw mo, basahin mo na lang yung script para malaman ko kung ano yung role ko.’
“Sa kanya ko ipinabasa ang role ko sa script. Ang binasa pala niya, yung karakter niya dapat. Pagbalik niya sa akin after an hour, sabi ko, ‘Kumusta yung lines ko? Marami ba akong scenes?’
“Sabi niya, ‘Mom, I love the role of Ellie! I like it!’ Sabi ko, ‘Akala ko ba ayaw mong mag-artista? Tatawagan ko na ba si Daddie Wowie na oo na?’
“Sabi niya, ‘But I’m shy.’ Sabi ko, I will help you… yung lines niya kasi puro Tagalog.’
“So tinawagan ko si Daddie Wowie, sabi ko ‘Okay na si Aneeza para sa role ni Ellie,” kuwento ni Glydel.