JM de Guzman may open letter para sa sarili: ‘I’m proud of you… mahirap man tinahak natin, nakatayo ka pa rin’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
JM de Guzman
ISANG madamdaming open letter ang ibinahagi ng Kapamilya actor na si JM de Guzman para sa kanyang sarili sa pagpasok ng Bagong Taon.
Idinaan ng binata sa social media ang pagpapasalamat sa lahat ng blessings na kanyang natanggap noong 2022 pati na ang magagandang nangyari sa career at personal niyang buhay.
Sa pamamagitan ng Instagram ipinabasa ng aktor sa madlang pipol ang kanyang liham para sa batang JM. Dito, pinuri niya ang sarili dahil sa katatagan at katapangang kanyang ipinakita sa gitna ng mga hinarap na matitinding pagsubok.
“Dear JM. I’m proud of you. Mahirap man tinahak natin, nakatayo ka pa din. ‘Di nga lang laging tama ang mga desisyon pero alam ko natututo tayo sa mga pagkakamali,” simulang bahagi ng kanyang IG post.
Dagdag pa niya, “Sana maabot natin lahat ng hangad natin. Hindi madali, alam ko. Ilang taon ka na-rehab. Ilang taon ka din umangat.
“May mga nasaktan ka, at sana mapatawad ka nila dahil alam kong hindi mo intensyon,” pagbabahagi pa ng aktor.
Sabi pa niya, “Hirap ka man, lagi ako nandito para sa ‘yo. Hindi kita susukuan. Dati ang dilim ng tingin mo sa buhay, nagmahal ka, sumugal at nasaktan.
“Ginamit mo sarili mo sa paraan na akala mo tama sa sugat na hatid ng buhay. Pero lumalaban ka pa din. Masaya. Tuloy tuloy lang ‘tol. Mahal kita – Kuya JM,” aniya pa.
Isa lamang si JM sa mga sikat na celebrities na patuloy na nakikipaglaban sa mental health problems.
At mukhang tuluy-tuloy na nga ang pagbuti ng kanyang kondisyon kaya naman abot-langit ang pasasalamat ni JM.
Ngayong 2023 ay muling mapapanood si JM sa upcoming sa ABS-CBN series na “Linlang” kung saan makakasama niya sina Kim Chiu, Paulo Avelino at ang Diamond Star na si Maricel Soriano.