Dingdong, Piolo nag-tie bilang best actor sa 2022 TAG Awards Chicago; Juancho itinanghal na best supporting actor
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Juancho Trivino, Dingdong Dantes at Piolo Pascual
WAGING best actor ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes at ang Ultimate Leading Man na si Piolo Pascual sa katatapos lamang na 2022 TAG Awards Chicago.
Nanalo si Dingdong bilang pinakamagaling na aktor nitong nagdaang taon para sa mini-series ng GMA 7 na “I Can See You: AlterNate” kung saan gumanap siya bilang kambal na sina Michael at Nate.
Naka-tie nga ni Dong ang Kapamilya actor at TV host na si Papa P para naman sa natatangi niyang performance sa crime drama series na “Flower of Evil” ng ABS-CBN.
“May you continue to inspire others. Keep blessing the world with your core gift,” ang nakasaad sa announcement ng TAG Media Awards hinggil sa kanilang napiling winners.
In fairness, deserving naman talagang manalo ang dalawang seasoned actor dahil mismong ang mga manonood na ang nagsabing pang-best actor ang ipinamalas nilang akting sa kanilang respective series.
Bukod kay Dingdong, itinanghal namang best supporting actor si Juancho Trivino sa 2022 TAG Awards Chicago for his role as Padre Salvi sa hit portal fantasy series ng GMA na “Maria Clara at Ibarra.”
Ang iba pang Kapuso stars na nominado sa nasabing award-giving body ay sina Barbie Forteza para sa Best Actress Award, at Julie Ann San Jose para sa Best Supporting Actress award for their performance sa “Maria Clara at Ibarra.”
Organized by TAG MEDIA, ang nasabing award-giving body ay nagbibigay ng pagkilala at parangal sa natatangi at kapuri-puring achievement ng mga celebrities at influencers sa larangan ng entertainment, entrepreneurship, at social media.