Cast members ng ‘Family Matters’ napaglaruan sa MMFF 2022 Gabi ng Parangal, halos lahat umakyat ng stage pero nganga
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Cast members ng ‘Family Matters’
TRULILI ba na may kinalaman ang actress-director na si Laurice Guillen sa pang-iisnab ng mga Metro Manila Film Festival 2022 juror sa pelikulang “Family Matters” ng Cineko Productions?
Si Direk Laurice ang chairwoman ng MMFF 2022 board of judges na siyang pumili ng mga nominee at winners sa ginanap na Gabi ng Parangal noong Disyembre 27 sa New Frontier Theater.
Bago kasi kami nakaalis ng venue pagkatapos ng awards night ay may nagsabing kaya walang nominasyon ang “Family Matters” sa mga kategoryang Best Picture, Best Director, Best Screenplay, Best Actress, Best Supporting Actress at sa iba pang minor awards ay dahil kapareho lang daw ng pelikulang “Tanging Yaman” na nakasama rin sa MMFF 2000 at idinirek ni Laurice Guillen for Star Cinema.
May point ang nakatsikahan namin pero parang hindi naman ganu’n si direk Laurice lalo’t siya ang head ng MMFF jurors.
Naisip na lang namin na sa sobrang galing ng cast ng “Family Matters” kaya hindi na sila isinama sa mga nominado sa mga nabanggit na kategorya.
Anyway, nang mapanood namin ang “Showbiz Update” YouTube channel nina Ogie Diaz at Mama Loi kasama sina Tita Jegs at Dyosa Pockoh kagabi, Disyembre 31 ay ito rin ang kanilang napag-usapan.
“Ito na ‘yung mga naririnig natin hindi naman natin alam kung tama o mali,” bungad ni Ogie.
“Siyempre binalot ng kontrobersiya ang filmfest na taun-taon naman, e, laging may kontrobersiya ‘yan in fairness minsan o madalas ding nahahaluan ng pulitika na hindi talaga maalis dahil may mga invoved na politicians diyan, eh.
“Anyway, ito na nga Family Matters na hanggang ngayon ay hindi makatulog ‘yung mga nakapanood nito dahil wala naman yata tayong narinig na (nagsabing) pangit ‘yung pelikula. Lahat gandang-ganda.
“Kahit kami ay nagandahan sa pelikulang Family Matters dahil ito’y napapanahong mapanood ng buong pamilya at marami tayong ma-realize,” ai Ogie.
Habang nanonood ka kasi ng isang pelikula ay maiiisip mo kung naka-relate ka o may kilala kang kapareho ng ginagampanang karakter ng sinuman sa cast at hindi nalalaos ang ganitong genre.
“Bagkus mas dapat pinatutuunan ng mga jurors kaya takang-taka ako bakit inisnab sa mga nominations man lang?”saad ni Ogie.
Sabi naman ni mama Loi, “’Yun nga ‘Nay (Ogie) di ba? Puwede namang walo nominated (cast).”
Diin pa ni Ogie, “Halatang-halata naman kaya naloloka ako!”
“Parang added injury pa ang nangyari dahil hindi na nga raw nominated ang cast ng Family Matters ay sila naman ang may pinakamaraming nagbasa ng mga nominado sa stage,” ayon kay Mama Loi.
“Oo nga, oo nga parang napaglaruan sila. Actually, Loi may mga staff (MMFF) na alam na ang resulta (at) gusto nang pauwiin ‘yung buong cast ng Family Matters dahil nawala talaga sila sa eksena, pero umakyat pa rin, umapir pa rin sila kaya nga sa cast party nila maagang umalis si Noel Trinidad, Liza Lorena at ang mga pinagpipitaganang mga ama’t ina, lolo’t lola doon sa Family Matters dahil sobrang disappoint.
“Hindi na ‘yung para sa kanila para manalo kundi doon sa pelikula na deserved manalo ng maraming awards kaya lang hindi naman kami jurors at hindi rin namin alam kung anong nangyari doon sa loob (jurors nominations) bakit nagkaganu’n, nagkaroon ba ng magic diyan sa loob?
“Tapos ang nakarating sa atin, hindi po ito confirmed ha, nakarating lang sa amin at puwede itong linawin ng tutukuyin natin na totoo ba ito? Na may kinalaman si direk Laurice Guillen kaya hindi nabigyan ng maraming nominasyon ang Family Matters.
“Ang nakarating sa amin ay dahil ayaw mabura sa history ng Philippine movies ‘yung Tanging Yaman ni direk Laurice Guillen na tungkol din ito sa pamilya para mag-iwan ito ng legacy sa mga tao na ito ang pinakamagandang oriented family movie na Tanging Yaman. Nakarating lang po ‘yan sa amin,” mahabang pahayag ni Ogie.
“Pero kasi remarkable na ‘yung Tanging Yaman. Yan talaga ang tumatak sa isipan natin at kinakanta pa natin ‘yung (theme song) na Tanging Yaman,” saad ni Ogie.
Ang awiting “Tanging Yaman” ay orihinal na kinanta ni Carol Banawa na sinulat ni Father Manoling Francisco at ang version ni Jamie Rivera.ang madalas ng naririnig ngayon.
Going back to direk Laurice Guillen, bukas ang BANDERA sa panig niya tungkol sa usaping ito.