Jojo Bragais 2 disenyo ng sapatos ang ilalabas sa 71st Miss Universe pageant
UMALINGAWNGAW ang pangalang “Jojo Bragais” sa mundo ng pageantry nang siya ang maging official shoe provider ng ika-69 Miss Universe pageant noong 2021, binigyan pa ng makeover ang kaniyang “Jehza” design nang lapatan ito ng iba-ibang nude shades. Ngunit para sa ikalawa niyang pagsampa sa entablado ng pandaigdigang patimpalak, dalawang disenyo niya ang irarampa ng mga kandidata, at ang isa hindi pa nakikita sa anumang beauty contest.
“When it comes to the designs, they asked me to present. This time there were only two designs, last time I presented four,” sinabi ni Bragais sa Inquirer sa isang eksklusibong panayam sa Victorino’s sa Quezon City noong Dis. 26.
Para sa ika-69 Miss Universe pageant, dinispatsa na ng patimpalak ang platforms para sa mas malinis na disenyo ng “Jehza,” ipinangalan kay 2018 Binibining Pilipinas-Supranational Jehza Huelar. Inilabas din ni Bragais at ng organisasyon ang tatlong nude shades—cream, caramel, at coco—upang tumugma sa iba-ibang kulay ng balat ng mga kandidata, at ginamit para sa swimsuit competition. Silver naman ang para sa opening number.
Ngayon, para sa ika-71 pagtatanghal ng pandaigdigang patimpalak, irarampa ng mga kandidata ang “Maureen” na ipinangalan kay 2021 Miss Globe Maureen Montagne. Wala rin itong mataas na platforms, ngunit nakadisenyo ang straps upang pagmukhaing mas mahaba ang mga binti ng mga kandidata. Unang nakita ang disenyo sa 2022 Bb. Pilipinas pageant, ngunit nagpasya si Bragais na huwag muna itong ibenta sa publiko. “I was planning to reserve it for Miss Universe. Because at that time they were hinting at having me again for the 2022 pageant,” ibinahagi niya sa Inquirer.
Gagamitin din sa Maureen ang tatlong nude shades na unang ipinakita sa Jehza. “We decided that it was good to continue the inclusivity that we pushed with the colors the last time, with the different shades of nude,” ani Bragais.
Ibinahagi rin niyang nang una niyang ginamit ang mga kulay na coco at caramel, nakatanggap siya ng mga mensaheng nagsasabing, “thank you so much, finally we feel like we’re included, there’s a shade of nude for us.”
Sinabi pa ni Bragais na naging maganda ang tugon ng Miss Universe Organization (MUO) sa kuwento sa likod ng Maureen, na halaw sa isang-dekadang paglalakbay ni Montagne sa mundo ng pageantry. “They immediately approved it!” aniya. Pinag-usapan na lang kung silver o gold ba ang gagamitin para sa opening number, na pinagpasyahan naman ng styling team.
Ngunit ibinunyag din niyang may isa pa siyang diseyong gagamitin sa nalalapit na Miss Universe pageant. “This one has not been released before, and was also inspired by a beauty queen,” ibinahagi ni Bragais.
Hindi pa maaaring sabihin ng Inquirer sa ngayon ang mga mahahalagang detalye ng bagong disenyo, ngunit sinabi ni Bragais na gagamitin ito sa swimsuit competition. Sinabi rin niyang hindi pa malinaw kung gagamitin na sa preliminary competition ang bagong disenyo, o kung irereserba pa ito ng MUO para sa finals.
Itatanghal ang ika-71 Miss Universe pageant sa New Orleans, Louisiana, sa Estados Unidos, sa Enero 14 14 (Enero 15 sa Manila). Ang Italian-Filipino model at realtor na si Celeste Cortesi ang kinatawan ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.