Agot, Nikki naglabas ng saloobin sa pang-iisnab ng MMFF 2022 jurors sa ‘Family Matters’, pero feeling winner pa rin
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Nikki Valdez, Mylene Dizon at Agot Isidro
SA gitna ng pagkuwestiyon hinggil sa naging proseso ng pagpili ng mga nominado at winner sa Metro Manila Film Festival 2022 Gabi ng Parangal ay naglabas na ng saloobin ang dalawang aktres na kasama sa pelikulang “Family Matters.”
Marami kasi ang nagtataka at naguguluhan kung bakit tila inisnab at inetsapwera ng mga huradong nag-review sa walong kalahok sa taunang festival ang pinupuri ngayong “Family Matters” ng Cineko Productions.
Hindi napigilan ng dalawa sa cast members ng nasabing pelikula na sina Agot Isidro at Nikki Valdez ang maglabas ng kanilang hinaing tungkol sa pangyayari.
In fairness, bago pa maganap ang awards night kamakalawa, December 27, marami na ang nagsasabing hahakot ng tropeo ang nasabing family drama.
Kaya ikinagulat ng marami na hindi man lang nakakuha ng nominasyon sa ilang major at technical categories ang “Family Matters” na ang tanging napanalunan ay ang Gatpuno Antonio J. Villegas Award.
Sunud-sunod ang tweet ni Agot tungkol sa tila pang-iisnab ng mga juror sa kanilang pelikula na idinirek ni Nuel Naval. Inamin ng aktres na “disappointed” siya sa nangyari.
“About last night (thought balloon emojis).
“Nagsama sama ang pamilya Florencio kagabi except kay Mommy & Daddy. Umuwi na medyo disappointed na hindi napansin man lang ang ibat ibang aspeto ng aming pelikula.
“Although, Salamat sa Gatpuno Villegas Cultural Award. Much appreciated,” mensahe ni Agot na ang tinutukoy na “pamilya Florencio” ay ang cast members ng “Family Matters”.
Bukod kay Agot, kasama rin sa movie sina Nikki, Nonie Buencamino, Mylene Dizon at JC Santos na um-attend nga sa nasabing awards night.
Ang tinutukoy naman niyang “Mommy & Daddy” ay ang mga veteran stars na sina Liza Lorena at Noel Trinidad, na hindi naman nakadalo sa Gabi ng Parangal.
Ito naman ang ikalawang tweet ni Agot, “Ang nakakapagluwag ng aming dibdib ay ang messages of support, lahat ng glowing reviews, posts na hinihimay ang storya, mga reaksyon pagkalabas ng sinehan. Hangad namin na ang mga aral na natutunan at natuklasan uli ay inyong isasapuso.”
“Hindi bale wala sa amin yun. If anything, dito pa lang sobrang panalo na kami.
“Maraming, maraming Salamat sa suporta. Inaasahan namin na mas marami pa ang manonood.
“Showing pa rin ang Family Matters sa more than 100 theaters. Kitakits tayo dun,” pahayag pa ng Kapamilya actress na gumaganap na asawa ni Nonie Buencamino sa pelikula.
Samantala, nagbahagi rin si Nikki ng kanyang saloobin sa pamamagitan ng Facebook hinggil sa nakakalungkot na pangyayari.
“Hindi man kami nanominate sa napakaraming categories kagabi, pinakamasarap na award na sa amin ang marinig sa karamihan na ‘blessing’ ang pelikula namin sa kanila.
“Dun palang, panalong panalo na kami. Imagine, buong buhay dadalhin ng bawat pamilyang Pilipino sa puso nila ang #FamilyMatters ? Family Matters Movie,” aniya.
Pagpapatuloy pa ng aktres, “MISSION ACCOMPLISHED na.
“Salamat sa patuloy na good reviews at suporta. +24 cinemas today. Tuloy lang ang pagbibigay ng ligaya at mga aral na habambuhay natin dadalhin sa ating mga puso. (heart emoji),” dagdag pa niya.
Si Nadine Lustre ang nagwaging Best Actress para sa pelikulang “Deleter” habang itinanghal namang Best Actor si Ian Veneracion para sa “Nanahimik ang Gabi.”
Ang “Deleter” din ang nagwaging Best Picture bukod pa sa ilang technical awards. Second Best Picture ang “Mamasapano: Now It Can Be Told” at Third Best Picture ang “Nanahimik ang Gabi.”