BUKOD sa marami ang napatawa ng actress-vlogger na si Alex Gonzaga, marami din siyang natulungan na mga kababayan natin ngayong Pasko.
Gaya last year, nagkaroon ulit siya ng fundraising event na kung saan ay mangangaroling siya sa ilang bigating personalidad.
Talagang pinatunayan ni Alex na gagawin niya ang lahat para lang makatulong sa kapwa, dahil lakas loob siyang nangaroling sa ilang mga senador.
Mababasa pa nga sa caption ng kanyang YouTube upload na lubos siyang nagpapasalamat dahil marami na raw siyang natulungan mula sa mga nalikom niyang pera.
Caption niya sa YouTube post, “Thank you sa mga senators for letting me sing for them dahil dyan may mga natulungan tayo maging masaya ang Pasko na ating mga kababayan.
“We all deserve a merry and joyful christmas!”
Sa umpisa ng video ay binalikan ni Alex Gonzaga ang ginawang pangangaroling noong nakaraang taon na kung saan ay kinantahan niya ng Christmas songs ang mga tumatakbong pangulo at bise pangulo.
Nabanggit din niya na dahil sa mga nalikom niya noon ay nakapagbigay siya ng noche buena packs sa halos 200 families.
Chika ni Alex, “Kahit tapos na ang Pasko, alam niyo, this Christmas, meron tayong ginawa na lagi kong ginagawa… Last year, tayo ay nag-caroling sa ating presidentiables at vice.”
Patuloy pa niya, “Almost 200 families ang ating nabigyan ng pa-noche buena dahil sa mga nalikom nating caroling money.
“Pero ngayon, sa mga senador naman tayo pupunta at mangangaroling at makikita niyo nanaman ang pagkakaroon namin ng dignidad, prinsipyo, hindi kami nadadala sa pera, walang kasipsip-sipsip sa katawan at talagang masasabi ninyo na tuwid,” aniya.
Makikita sa video ang todo pagpapa-practice ni Alex bago magpunta sa Senado.
Ilan lamang sa mga kinantahan niya ay sina Senador Mark Villar, JV Ejercito, Francis Tolentino, Bong Go, Grace Poe, Jinggoy Estrada, Robin Padilla, Bato Dela Rosa, Raffy Tulfo, at Loren Legarda.
Todo-bigay sa kwelang performance ang vlogger at kahit ang mga kinakantahan niyang senador ay napapatawa niya.
Ayon kay Alex P560,000 ang nalikom niya sa kanyang pangangaroling, at may karagdagan pa raw itong 100 grocery packs mula kay Senador Bong Go.
Nagtungo agad ang aktres sa grocery at umabot sa 400 packs ang kanyang pinamili.
Sey ng aktres, “Kung last year, tayo ay nakapagbigay ng almost 200 gift packs o grocery packs sa ating mga kababayan, this year, tayo ay nakakuha ng tumataginting na P560,000.
“So ngayon, gagawin na nating P600,000. So plus 100 gift packs ni Senator Bong Go.”
400 na mahihirap na pamilya sa Metro Manila ang nabigyan ng grocery packs ni Alex at karamihan diyan ay ‘yung mga natutulog sa kalsada.
Bukod pa riyan ay nakapag-donate pa siya sa mga batang may cancer sa Philippine General Hospital (PGH).
Related chika: